Jaclyn Jose admits to being a 'spoiler' mother, lola
Labis ang pagmamahal ng Kapuso actress at Cannes Film Festival 2016 Best Actress na si Jaclyn Jose sa kaniyang mga anak na sina Andi Eigenmann at Gwen Guck, pati na sa kaniyang nag-iisang apo na si Ellie.
Aminado nga ang “A1 Ko Sa'yo” star na spoiled sa kaniya ang mga ito, lalo na ang kaniyang apo.
“Spoiler ako. Siya (Ellie) ngayon ang nagbibigay sa akin ng aliw. Bata, eh. 'Yung apo ko pa, napaka-arte. Ang daming bracelets, burloloy. Nagli-lipstick pa. Okay lahat sa akin. Walang mali. Go, go! Okay lang 'yan,” kuwento niya sa episode ng “Yan Ang Morning!” nitong Martes.
Isa rin daw sa mga dahilan kung bakit spoiled sa kaniya si Ellie ay ang paghihiwalay nila ng tahanan kamakailan lamang.
Ayon kay Jaclyn, “Andi and Ellie are doing okay. Solo na sila. Kaya rin ako spoiler, kasi gusto kong hanapin ako ng apo ko. Almost four months nang nakalipat si Andi sa bahay niya but Ellie still stays with me sometimes. Si Andi, hindi na masyado. Hinahayaan ko lang.”
Nais rin daw iiwas ng aktres ang kaniyang apo sa showbiz. “Ako, ayoko sana, kung maaari. Mahirap ito, eh. Lalo na kapag maliit pa,” paliwanag niya.
Tulad ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang apo, gayundin ang suporta at pagmamahal ng aktres sa kaniyang dalawang anak.
Sa katunayan, hindi na raw niya naiisip ang magkaroon muli ng karelasyon upang matutukan ang pag-aalaga sa mga ito.
Aniya, “Parang hindi na ako magkaka-boyfriend. Okay na sa akin 'yung ganito, taking care of my children. Sabi ko sa sarili ko, kung magkakaroon ako ng boyfriend at magiging masaya ako na magkaroon ng makakasama sa buhay, kapalit nito ang kalungkutan ng anak kong lalaki. Kaya hindi bale na lang. Priority ko kung paano sila palalakihin nang walang hung ups.”
“As of the moment, okay na ako muna. Gusto ko lang ma-sustain ang staying power ko. Visible, magkaroon ng work. Basta may work ako, okay na ako,” pagtatapos niya. — VVP, GMA News