Celebrities unite to help veteran actor Dick Israel
Kumalat sa social media ngayong linggo ang masalimuot na pinagdaraanan ng beteranong aktor na si Dick Israel, na nakilala sa kaniyang mahusay na pagganap bilang kontrabida sa ilang pelikula at programang Pilipino.
Matapos dumanas ng stroke noong 2010, nabiktima naman siya ng sunog nitong Sabado, na sumira ng kaniyang bahay at halos lahat ng kaniyang ari-arian.
Nitong Martes, agad na nagkaisa ang mga artista at iba pang tauhan sa industriya ng showbiz upang magpaabot ng tulong sa aktor.
Sa Instagram post ni Nadia Montenegro, ipinasilip niya ang ilang tagpo mula sa pagbisita niya kay Dick. “Woke up early today for a very important mission! Woke him up too! He gave me the warmest smile in return! Tito Dick! Tats! Whatever you call him, we want you to know that you are loved!” aniya.
Dagdag pa ng aktres, “Daming nagmamahal sa inyo. Hindi lang po artista ang dumadaan sa mga pagsubok ng buhay. Lahat po tayo!”
Kabilang si Nadia sa mga nakikipagtulugan sa Damay Kamay Foundation, Inc., na layong magbigay ng tulong sa mga artistang nangangailangan.
Nagpaabot na rin ng kanilang tulong at suporta sina Onet Henson, Vivian Velez, Peter Serrano, Marvin Agustin, Bianca Lapus, at marami pang iba.
“Hindi kami titigil hanggang masiguro na makakabangon ulit si Tito Dick kasama ng kanyang buong pamilya. Please continue to pray for him! He is in good health, and in high spirits as always,” pahayag ni Nadia.
Sa lahat ng mga gustong tumulong sa batikang aktor, maaari itong ibigay sa pamamagitan ng Damay Kamay.