Daddy Dub stops car for Maine Mendoza’s fans
Ibinahagi ng isa sa mga tagahanga ng Kalyeserye Sweetheart at Dubsmash Queen na si Maine Mendoza nitong nakaraang linggo ang kaniyang magandang karanasan kasama ang dalaga at ang ama nito.
Ayon sa Facebook user na si Kho Tintin, nakita niya at ng kaniyang kaibigan ang sasakyan ng “Eat Bulaga!” Dabarkads habang papatawid sila.
Dahil nais raw nilang magpa-picture kasama si Maine, hindi nag-atubili si Daddy Dub na itabi ang sasakyan upang magkaroon sila ng maganda at ligtas na kuha kasama ang phenomenal TV personality at social media darling.
Kuwento ni Tintin, “"Mabait po siya! Kahit patawid na kami ng kalsada, pinagbabaan niya kami ng bintana. At nakapag-request me ng picture.”
“Mabait din po yung father niya. Nung marinig na nag-request ako, itatabi lang daw po saglit 'yung sasakyan,” dagdag pa niya.
Umani na ng higit sa 19,000 likes ang naturang post, at marami nga ang nagpahayag ng kanilang paghanga sa kabaitan ni Maine at ng pamilya nito.
“Mabait din talaga ang Pamilya Mendoza. Kahit mayaman sila, napaka-humble nila. God bless po sa inyo,” ayon kay M-j Ocampo Salunga.
Dagdag naman ng Facebook user na si Marefir Regidor, “Kaya idol na idol ko si Ate Maine, kasi iba siya. Kahit na hindi mo pa siya nakakasama, makikita mo sa kanya na napakabait niyang tao. Kaya maraming biyaya ang dumadating sa kanya.”
Bida ngayon si Maine at ang Pambansang Bae na si Alden Richards sa pelikulang “Imagine You & Me,” ang kanilang kauna-unahang solo movie na ngayon ay box-office hit na sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News