‘Greatest dad ever’ Ogie Alcasid drops fear of heights for son Nate
Masayang ibinahagi ng Kapuso singer-actress at Asia's Songbird na si Regine Velasquez ang isang nakakatuwang video ng kaniyang asawang si Ogie Alcasid at ng kanilang unico hijo na si Nate habang naglalaro sa isang playground nitong nakaraang linggo.
Ipinagmalaki ni Regine ang kaniyang asawa, na hindi ininda ang kaniyang takot sa heights para lamang masamahan ang kanilang anak sa paglalaro.
“#Mywonderfulhusband Unlike other parents, medyo hirap na kami to keep up with Nate because we are older. But my wonderful husband with hingal, masakit na tuhod, pagod, not to mention fear of heights, did this!!!!!!” pagbabahagi ng proud na misis.
Dagdag pa ni Regine, “Siyempre, nag-enjoy si Nate. But daddy never complained. He just said, 'I should work out more.'”
Ayon sa Asia' Songbird, nagpapasalamat siya na nabigyan siya ng isang mabuting asawa at mabuting ama para kay Nate.
“Honey, you're such a great dad! Kahit busy at pagod, you would always find time to be with your girls and play with Nate. I thank GOD for you baba @ogiealcasid! Ikaw na yata ang pinakamabait na taong nakilala ko sa buong buhay ko #iloveyoumoreandmoreeveryday #greatestDadever,” pahayag ng “Sarap Diva” host.
Kamakailan lamang, inilabas na ang kauna-unahang cookbook ni Regine na pinamagatang “Bongga sa Kusina,” kung saan makikita ang ilang recipes ng mga putaheng itinampok sa kaniyang lifestyle show na “Sarap Diva.”
Bukod sa kaniyang asawa na si Ogie, naroon din ang dati nitong asawa na si Michelle Van Eimeren at ang kanilang mga anak na sina Leila at Sarah. Naroon din ang asawa ni Michelle ngayon na si Mark Morrow, pati na ang ina ni Regine na si Teresita Velasquez at ang kaniyang mother-in-law na si Herminia Alcasid.
“Ganyan talaga ang family ko. They're always supporting whatever I do. For them, this is a big thing. And it is. It really is a big thing. I'm happy that they're all here,” aniya sa naunang panayam. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News