Dingdong Dantes excited to star in new ‘action-packed’ GMA Primetime TV series
Matapos ang kaniyang pagganap bilang Raquim sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” nakatakda namang bumida ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa bagong aabangang Kapuso Primetime series ngayong taon.
Sa story conference ng naturang teleserye nitong Lunes, ipinagmalaki ng Kapuso actor ang magandang kuwento at star-studded cast ng programa.
“Talagang looking forward ako sa susunod na gagampanan ko. Nagpapasalamat ako sa GMA na nasama ako sa project na ito. Gaya ng lahat ng ginagawa ko, when I dedicate myself sa isang trabaho, 100% talaga.Very eager na ako to start working, at happy ako sa mga makakasama kong artista dito,” aniya.
Dagdag pa ni Dingdong, “Ang gagaling ng mga kasama ko dito. Mula sa international best actors and actresses, talagang mga mahal ko sa industriya ang makakasama ko dito. Understatement ang excited. Sobrang inspired ako ngayon.
Hindi pa man isinasapubliko ang pamagat ng programa, inaabangan na raw ng aktor ang pagbibigay-buhay sa kuwento lalo na't puno ito ng mga maaaksyong eksena.
“Maganda 'yung feeling na nagiging part ka ng pag-solve ng isang problem sa lugar ninyo, tumutulong ka sa community. Pero ang mas mahalaga, siyempre, ay 'yung paghahanap sa katotohanan. I think, isa 'yun sa main na gustong ma-achieve ng character sa kuwento—malaman kung saan nagmula, sino ang may kagagawan ng lahat. Medyo komplikado,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Dingdong, “Basta, excited ako kasi medyo action-packed talaga siya.”
Huling bumida sa isang GMA Primetime series ang Kapuso Primetime King noong 2015 sa Philippine religious drama na “Pari 'Koy.”
Ayon sa aktor, isang magandang regalo raw ito para sa kaniyang ika-36 na kaarawan, na ipinagdiriwang niya ngayong Martes, August 2.
A photo posted by Peregrino Lansigan Jr. (@perrylansigan) on
“Mas naging meaningful ang birthday ko dahil may isa pang biyayang ibinigay sa akin. Everytime na mabibigyan ako ng opportunity to work and to be part of a show, sobrang nagpapasalamat ako dahil it's a way rin of doing what we want while reaching out sa mga manonood,” ayon sa Kapuso leading man.
Dagdag pa niya, “Happy ako na naisip nilang ilagay ako dito. Isang magandang pa-birthday ito para sa akin.”
Taking care of Zia
Kasabay ng pagiging abala ni Dingdong sa kaniyang bagong teleserye, nalalapit naman ang pagtatapos ng “Yan Ang Morning,” ang Kapuso morning talk show na pinangungunahan ng kaniyang asawa at Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
Gayunpaman, sinabi ng Kapuso actor na hindi naman mawawala sa telebisyon ang kaniyang asawa dahil patuloy itong magpapasaya sa comedy variety show na “Sunday Pinasaya” at iba pang showbiz commitments.
Mahalaga lamang umano para sa mag-asawa na hindi sila mawalan ng oras para sa kanilang unica hija na si Maria Letizia, na mag-iisang taong gulang na sa darating na Nobyembre.
Ayon sa Kapuso Primetime King, “Hindi naman totally mawawala 'yung work niya. Nandiyan ang Sunday show plus may iba pa siyang commitment. Mayroon mang 'Yan Ang Morning!' o wala, may taping man o wala, balanse naman lagi ang ginagawa namin. Sinisiguro namin na may oras sa bahay, may oras para sa pagpapalaki ng anak, at may oras rin sa trabaho.”
"At this stage, mahalagang nandoon kami pareho na nagpapalaki ng anak namin. Regardless kung soap o hindi, 'yung priorities namin ay nakatuon talaga sa pagpapalaki kay Zia. Ibig sabihin, may mga bagay talaga na hindi namin magagawa na tulad ng dati. Pero hindi naman ibig sabihin na hindi na magagawa at all," paliwanag pa niya.
Pagtatapos ni Dingdong, “Hindi naman puwedeng 100% na iwan ang work. Na-eenjoy rin naman niya ang kaniyang ginagawa—hosting, 'Sunday Pinasaya,' and also acting in front of the camera... Ito namang (adjustments), siyempre, sa stage lang na ito. Lalaki naman 'yan. Ang mahalaga, nandoon kami para sa kaniya." —NB, GMA News