AiAi Delas Alas shares origin of ‘Comedy Concert Queen’ tag
Bukod sa pagiging magaling na komedyante, nakilala na rin ang Kapuso host-actress na si AiAi Delas Alas bilang ang nag-iisang Comedy Concert Queen ng bansa.
Ayon kay AiAi sa naganap na press conference nitong Miyerkules, hindi niya inasahang makakasabayan niya ang mga magagaling na performers sa pagpapasaya sa enatblado, at makakapuno rin siya ng ilan sa mga pinakamalalaking concert venues sa Pilipinas.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang kilalang singer na si Martin Nievera ang nagbigay ng bansag na “Comedy Concert Queen” kay AiAi ilang taon na ang nakalilipas.
“Panahon 'yun ng mga magagaling na singer natin—sina Zsazsa Padilla, Pops Fernandez. 'Yung mga nakakapuno ng venue na talagang kumakanta. Ako lang 'yung hindi. Kaya gumawa ng bagong title para sa akin. Si Martin Nievera ang nagbigay sa akin noon,” kuwento ng “Sunday Pinasaya” at “Hay Bahay!” star.
Dagdag pa niya, “Lahat kasi sila, sila talaga 'yung mga nagpe-perform sa Folk Arts, Araneta, tapos biglang naging ako na hindi naman kumakanta. Minsan nga ang pagkanta ko, wala pang lyrics.”
Nagsimula raw ang kaniyang “pagkanta nang walang lyrics” noong binawalan siyang tumingin sa teleprompter tuwing sasalang siya sa live performance.
Mula noon, naging trademark na ni AiAi ang halong pagkanta at pagpapatawa sa entablado.
Aniya, “Hindi ko talaga ginagawa 'yun. Nagkataon lang, kasi noong araw, wala kaming teleprompter pero puwedeng gawan ng paraan. Pero ang sabi sa akin, kailangan memorize ko ang mga gagawin ko. Ayaw nila ng tumitingin ako sa baba. Dapat laging nakatingin sa audience.”
“Siyempre, ako, hindi naman ako marunong maka-memorize ng kanta dahil hindi ako singer. Sa nerbiyos ko, para maitawid ko 'yung number, kung ano-ano na lang ang ginagawa ko. Kumakanta ako nang walang lyrics, o katunog lang ng mga salita,” kuwento pa niya.
Magbabalik sa live concert scene si AiAi bilang bida sa “Ai Meets Lani: Lani May I?” concert, kung saan makakasama niya ang internationally-acclaimed singer at Asia's Nightingale na si Lani Misalucha.
Pabirong pag-iimbita ng Comedy Concert Queen sa kanilang mga tagahanga, “Bongga talaga ang concert. With Lani, ang boses talaga niya at performance ay hindi matatawaran. Humihiga 'yun habang kumakanta ng mataas. Makikita niyo 'yung difference naming dalawa. Kung hihiga siya, puwede mag-swimming naman ako.”
Mapapanood ang “Ai Meets Lani: Lani May I?” concert sa darating na September 17 sa Kia Theatre, Araneta Center, Cubao, Quezon City. — RSJ, GMA News