Paolo Ballesteros shows makeup transformation timelapse video for the first time
Sa kauna-unahang pagkakataon, ipinasilip ng Kapuso host-actor at tinaguriang "Makeup Transformation King" na si Paolo Ballesteros ang isang timelapse video ng kaniyang makeup transformation process.
Nitong Biyernes, ginaya ni Paolo ang Duchess of Cambridge na si Kate Middleton.
Umabot sa humigit-kumulang tatlong oras ang pagbuo ng aktor sa nasabing makeup transformation.
Nasundan agad ito ng isang timelpase video ng "Melania Trump makeup transformation," kung saan ginaya naman ni Paolo ang dating model at asawa ng American businessman at 2016 U.S. presidential candidate na si Donald Trump.
Ano kaya ang sikreto ni Paolo sa kaniyang mga nakakamanghang makeup transformations?
"Inaaral ko rin kasi 'yung expressions nila, 'yung emote nila. Actually, doon ako mas napapagod! Baka kaya nagiging successful ang makeup transformations ko," aniya sa naunang panayam.
Matagal nang pinupuri ng maraming tao mula sa iba't ibang bahagi ng mundo si Paolo dahil sa kaniyang mga nakakamanghang make up transformations.
Bukod sa mga kilalang personalidad sa ibang bansa, kabilang sa kaniyang mga ginagaya ang iba't ibang Hollywood artists at foreign personalities, tulad na lamang ni Miss Colombia 2015 Ariadna Gutierrez, Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach, Grammy award-winning performer Beyonce, at marami pang iba. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News