Lovi Poe thanks Carla Abellana for supporting 'Someone To Watch Over Me'
Isang linggo pa lamang ang nakalilipas mula nang magsimula ang pagpapalabas ng pinakabagong GMA Primetime series na “Someone To Watch Over Me” ngunit pinag-uusapan na nga ito ng mga manonood dahil sa natatanging kuwento at pagganap ng mga bidang artista, kabilang na sina Tom Rodriguez at Lovi Poe.
Binibigyang-buhay ng dalawa ang mga karakter na sina TJ at Joanna, ang mag-asawang masusubok ang pagmamahalan dahil sa early-onset Alzheimer's Disease.
Unang linggo pa lamang ay mainit na ang mga tagpo sa nasabing teleserye, kaya naman hindi maiwasang magtanong ng ilan apektado ba ang real-life leading lady ni Tom na si Carla Abellana.
Nauna nang binati ni Carla ang mga bumubuo ng “Someone To Watch Over Me” para sa pagiging matagumpay ng unang linggo nito sa telebisyon.
“You two are doing a GREAT job, @akosimangtomas and @poevirginia! Sulit ang lahat ng paulit-ulit na takes, lahat ng effort, lahat ng luhang iniyak, lahat ng pagod at lahat ng pagpupuyat. Beautiful story and even more beautiful execution. Kudos to the entire cast and crew!” aniya.

Sa mga hiwalay na comments, muling idiniin ng Kapuso actress na hindi siya apektado ng mga eksenang pinagbibidahan nina Tom at Lovi sa naturang teleserye.
Nang may magtanong sa kaniyang kung hindi ba siya nagseselos, simpleng sagot ng aktres, “Naku po, hindi. Dapat po hindi. Trabaho po kasi namin ito.”
Labis naman ang pasasalamat ni Lovi sa suportang natatanggap mula sa kapwa-aktres at napapabalitang kasintahan ng kaniyang leading man.
Ayon kay Lovi, “Thank you, Carla! I know kailangan sa trabaho natin na maging understanding tayo... But to you, it's not even because it's needed. It's simply in your nature. Thank you for being so supportive! Mwaaaah!”
Sa mga naunang pahayag, ibinahagi ni Tom na napag-uusapan na nila ni Carla ang pagpapakasal.
“To be with a person who nurtures you, who believes in you, and inspires you, and is there supporting you, ang sarap sa pakiramdam. Alam kong hindi para sa lahat ang kakulitan ko. But I'm glad na it's for someone. It may not be for everyone, but it's for someone,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Tom, “I'm a lucky guy”
Maliban sa "Someone To Watch Over Me," mapapanood rin si Tom sa Kapuso talent show na “#Like” tuwing Sabado kasama ang internet sensation na si Balang at ang iba't ibang personalidad at grupo na sumikat sa social media, na nakatakdang magharap at magtagisan ng galing sa programa. — Bianca Rose Dabu / AT, GMA News