Dingdong Dantes reacts to 'Alyas Robin Hood'-'Arrow' comparison
Tulad ng kaniyang mga tagahanga, nasasabik na rin ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa kaniyang pagbabalik-Primetime ngayong taon.
Matapos ang kaniyang pagganap bilang Raquim sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” bibigyang-buhay naman niya ang isang alamat sa pinakabagong GMA Primetime series na “Alyas Robin Hood.”
“It’s an English folklore, base sa isang alamat na napakaluma. More or less, lahat tayo ay pamilyar sa istorya ni Robin Hood… na hango sa isang alamat mula 1300s pa,” pagbabahagi niya sa naganap na press conference nitong Linggo.
Dagdag pa ng Kapuso actor, “Isa itong kuwentong magpapatunay na lahat tayo ay may kakayahang maging mabuting tao sa ating kapwa.”
Paliwanag ni Dingdong, isa umano ang kuwento ni Robin Hood sa mga tinatawag na “masterplot.”
Aniya, “Ang Robin Hood ay base sa isang alamat. Isang alamat na napagdaanan na natin. Alam na natin ang istorya niyan. Ang kuwento ng Robin Hood ay isa sa tinatawag na masterplots. ‘Cinderella’ is a masterplot. ‘Romeo and Juliet’ is a masterplot.”
“‘Marimar’ has the ‘Cinderella’ masterplot, kung saan si Marian ay naging bida. Karamihan ng shows ni Marian ay may ‘Cinderella’ masterplot dahil ‘yun ang nagiging relatable sa audience. Ganoon din ang ‘Robin Hood.’ He meddles with the rich para makapagbigay sa mga mahihirap,” pagbabahagi pa ng aktor.
The stellar cast of the newest GMA Primetime series "Alyas Robin Hood," starting on September 19. @gmanews pic.twitter.com/cfhZ7fH00s
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) September 11, 2016
Sa gitna ng paghahanda para sa kaniyang pagbibidahang teleserye, nakarating sa atensyon ni Dingdong ang pagkukumpara ng ilang netizens sa “Alyas Robin Hood” at sa American action TV series na “Arrow.”
Kahit na hindi puro positibong komento ang nasasabi tungkol sa mga unang teaser na ipinalabas nila, masaya raw ang Primetime King na naibabahagi pa rin sa maraming tao ang kanilang trabaho.
“We’re grateful that it was shared. Natutuwa kami na ang trabaho namin ay naipapakita pa sa mas maraming tao… Nagpapasalamat ako at naise-share ang pinaghirapan namin,” pahayag niya.
Inaanyayahan ni Dingdong ang mga manonood na subaybayan ang “Alyas Robin Hood” upang lalo pang maintindihan ang kuwento nito, at ang mensaheng nais nilang iparating sa pamamagitan ng kakaibang Kapuso action-drama-adventure-comedy series.
Aniya, maliban sa pagpapasaya, nais rin nilang maging inspirasyon sa lahat ng mga makakasaksi sa kuwentong kanilang bibigyang-buhay.
Ayon sa Kapuso Primetime King, “’Yung na-judge nila ay teaser. At ayaw ko rin namang i-assume na nag-judge talaga sila. Maaaring karamihan ay base sa hindi nila pagkakaalam sa kung ano talaga ang nangyayari. Minsan, it’s a wake-up call for all of us na before we label something, we have to find out with ourselves ‘yung facts, ‘yung katotohanan, at kung saan nagmula para mas maunawaan pa natin.”
“It happens. Lalo na ngayon, marami tayong kani-kaniyang opinyon. We have more than a hundred million different opinions. What matters really ay kung ano and hawak natin. Ang hawak namin ay ang programa, and we have the opportunity to entertain, inspire, at magbigay ng isang magandang kuwento. Ibang-iba ang kuwento ng ‘Alyas Robin Hood,’” dagdag pa niya.
"Alyas Robin Hood" is top-billed by Dingdong Dantes, with leading ladies Megan Young and Andrea Torres @gmanews pic.twitter.com/RtqdyVAUm5
— Bianca Rose Dabu (@biancadabu) September 11, 2016
Ipinahayag rin ni Dingdong ang kaniyang pagtitiwala sa GMA Network, na naging pangalawang tahanan na niya sa loob ng humigit-kumulang 18 taon.
Aniya, “Sa buong 18 years ko dito, ganoong katagal ko rin ipinagkatiwala ang aking sarili. That’s practically more than half of my life that I spent with GMA. Alam kong lahat ng programa nila ay dumadaan sa masusing pagsusuri, research, at kakaibang creative team ang nasa likod ng mga show ng GMA. That’s why confident ako sa lahat ng ibinibigay sa akin at tiwalang-tiwala ako.
“When you say trust, alam mong people did their best. Kami, as actors, masaya kaming ibinibigay sa amin ang kuwentong ito. Ang obligasyon namin ay gampanan ang aming roles 100%. Puwedeng may labis, pero hindi puwedeng may kulang,” pahayag pa ng aktor.”
Sang-ayon kay Dingdong ang mga Kapuso actress na sina Andrea Torres at Megan Young, na kasama niyang bibida sa “Alyas Robin Hood.”
Pahayag ni Andrea, “Alam naman namin kung ano ang io-offer namin. Alam namin na once mapanood nila ‘yung show, wala nang magiging issue. Panoorin na lang nila kasi I’m sure, lahat ng mga katanungan nila, lahat ng gusto nila ma-explain namin, maipapaliwanag sa show.”
“Hindi dapat i-compare. I’m sure, with GMA, lagi nilang iniisip ‘yung audience nila. Iniisip nila na dapat maganda ang maipapakita nila sa audience, na ma-eenjoy nila. Kahit siguro ‘yung viewers ng ‘Arrow,’ ma-eenjoy ito. Iba ito,” dagdag pa niya.
Para naman kay Megan, “You have to just watch it to really see what the story is about. ‘Alyas Robin Hood’ takes over a new kind of setting for us. Action, drama, at may kaunting comedy. In some ways, may political factor rin sa story, and it’s very adept with the times. It’s interesting, the story, once you get through it after a couple of weeks. Sabi ko nga, kakaiba ito. Just watch it first.”
Maliban kay Dingdong, Megan, at Andrea, bida rin sa programa ang mga batikang artistang sina Cherie Gil, Sid Lucero, Christopher de Leon, Christopher de Leon, at Cannes Film Festival 2016 Best Actress Jaclyn Jose.
Bahagi rin ng cast na magbibigay-buhay sa kuwento sina Paolo Contis, Gary Estrada, Dennis Padilla, John Feir, Tanya Gomez, Gio Alvarez, Lindsay de Vera, Dave Bornea, Caprice Cayetano, at marami pang iba.
Mapapanood na ang “Alyas Robin Hood” simula sa darating na Lunes, September 19, pagkatapos ng “Encantadia.” —KBK, GMA News