Carla Abellana, Tom Rodriguez give meaningful messages to each other
Nagpalitan ng sweet messages ang Kapuso stars at napapabalitang magkasintahan na sina Tom Rodriguez at Carla Abellana ngayong linggo sa pamamagitan ng kani-kanilang social media accounts.
Linggo ng gabi nang mag-post ng isang Boomerang video ang “Someone To Watch Over Me” star.
“There are infinite multiverses and infinite possibilities and I am lucky to be on this one because of you @carlaangeline,” aniya.
Dagdag pa ni Tom, “Thank you for not only being an inspiration but a rock that holds me up to strive to be all that I aspire to. #lucky”
Nitong Lunes, sumagot naman si Carla sa pamamagitan ng isang simpleng bible verse.
“I will not be shaken—Psalm 16:8”
Maliban sa mga intrigang pinagdadaanan ngayon ng napapabalitang magkasintahan dahil sa mga maiinit na eksenang ginagawa ni Tom sa “Someone To Watch Over Me” kasama ang kaniyang mga leading lady na sina Lovi Poe at Max Collins, mayroon ding mga personal na problemang pinagdadaanan ang aktor.
Kabilang na rito ang pagkakasakit ng kaniyang ama, na kamakailan lamang ay napag-alamang mayroong lung cancer.
Laking pasalamat na lamang umano niya dahil isang fighter ang kaniyang ama, na 76 years old na at patuloy ngayon ang pagpapagamot sa ibang bansa.
“Now, he’s recovering, he’s a fighter, grabe! Sobrang bilib ako. Kung ano 'yung takot ko dati dahil never pang pinagdaanan namin ito as a family, lalo pa sa pinakamatapang sa aming lahat, na makita namin iyon, kung ano 'yung takot ko dati, mas lalo akong nabuhayan ng loob kasi nakita ko kung gaano katapang ang tatay ko,” kuwento ni Tom sa naunang panayam.
Maliban sa GMA Primetime series na "Someone To Watch Over Me," mapapanood rin si Tom sa Kapuso talent show na “#Like” tuwing Sabado kasama ang internet sensation na si Balang at ang iba't ibang personalidad at grupo na sumikat sa social media, na nakatakdang magharap at magtagisan ng galing sa programa. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News