ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
#HomeiswheretheHEARTis

Heart Evangelista shares some details about her dream house


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi naitago ng Kapuso star na si Heart Evangelista ang kaniyang pananabik sa nalalapit na pagkabuo ng kanilang bagong bahay ni Senador Chiz Escudero, at mga anak nito na sina Chesi at Quino.

Matapos ang matagal na paghihintay, inaasahang makalilipat na sila sa bago nilang bahay bago sumapit ang kaniyang 32nd birthday sa darating na Pebrero, saad ng aktres sa press conference na ginanap kamakailan.

Tulad ng kaniyang style preference pagdating sa fashion, simple at classic ang kabuuang tema ng dream house ni Heart.

“It's Mediterranean outside, and modern French inside. Three floors. It's all white,” aniya. 

Pagmamalaki pa ng Kapuso actress, “It's so nice. It's my dream house. Every corner is pretty. Kapag may nagbigay sa'yo ng flowers, kahit saan mo ipatong tapos mag-picture ka, maganda na.”

 

Kabilang sa mga paboritong lugar ni Heart sa kaniyang bagong bahay ang walk-in closet, kung saan matatagpuan ang kaniyang koleksiyon ng designer clothes, high heels, at luxury bags.

“Makalilipat kami, hopefully, by December or January. Sana. Sana doon na ako makapag-birthday,” ayon sa Kapuso actress.

 

Pero kahit mayroon na sila ng bagong bahay, hindi raw ibebenta ni Heart ang bahay na tinutuluyan niya ngayon dahil magsisilbi itong art studio at paglalagyan ng kaniyang paintings na hindi niya madadala.

 

 

Maliban sa pagpapagawa ng bahay, abala rin si Heart sa paghahanda para sa kaniyang iba't ibang proyekto sa loob at labas ng showbiz, kabilang na ang isang perfume line, clutch bag line, clothing line, at marami pang iba.

Kamakailan lamang, ibinida ni Heart sa “Carry Your HeART” exhibit ang koleksyon ng 40 luxury bags na pinintahan niya.

Inilunsad rin nitong nakaraang Hulyo ang kaniyang kauna-unahang make-up collaboration kasama ang local beauty brand na Happy Skin.

Sa darating na Oktube, nakatakdang lumipad papuntang France ang aktres para sa espesyal na collaboration kasama ang isang Parisian brand. -- FRJ, GMA News