ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
LOOK

AiAi Delas Alas films in real whorehouse: ‘Heartwarming pero hardcore’


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ipinagmamalaki ng Kapuso host-actress at Comedy Concert Queen na si AiAi Delas Alas ang kaniyang pagbida sa “Area,” ang independent film na pinangunahan ng award-winning director na si Louie Ignacio.
 
Kamakailan lamang, tumanggap ng Special Jury Prize mula sa 12th Eurasia International Film Festival at naging official entry rin sa Tallinn Black Nights Film Festival ang nasabing pelikula, na tatalakay sa buhay ng mga prostitute.
 
Ayon sa batikang aktres, pangarap niyang gumanap bilang isang “aging prostitute,” at isang karangalan para sa kaniya ang mapabilang sa obra ng isa sa pinakamagagaling na direktor sa Pilipinas.
 
Aniya sa naganap na press conference nitong nakaraang linggo, “Itong pelikulang ito ay talagang group effort. Lahat sila, magagaling. Ang aming direktor, talagang ibinigay ang puso at passion niya para lahat ng gusto niyang makita sa pelikulang ito ay mapakita naming lahat. Masayang-masaya ako to be a part of this masterpiece of Direk Luisito Lagdameo Ignacio.”
 
Pahayag naman ni Direk Louie, “Dream project ko ito... Talagang binuhos namin dito 'yung dugo at pawis. For the short shooting days, isang quality film ang natapos namin. Dream project rin dahil pinagsama-sama rito ang magagaling na aktres, especially ang mga babae sa 'Area.' Ang sarap makatrabaho ang isang superstar na si Ms. AiAi. Iba. Para sa akin, the best 'yan. Aawayin ko ang mga kumakalaban diyan.”
 
Maliban kay AiAi, kabilang rin sa mga nagbigay-buhay sa “Area” ang internationally-acclaimed actor na si Allen Dizon at Gawad Urian Best Supporting Actress na si Sue Prado.
 
“Sa totoo lang, ang hirap makatrabaho ang isang best actor na na-recognize na internationally. Sa akin, challenge ito. Nandiyan pa ang aking writer na Urian awardee, ang isa sa mga babae sa 'Area' na Urian Best Supporting Actress. Tinitimbang ko lahat ng ginagawa ko dahil napakagaling nila,” pagmamalaki ng batiakng direktor.
 
 
‘Actual whorehouse’ experience
 
Maliban sa galing ng mga aktor sa pelikula, siniguro rin daw ni Direk Louie at ng buong cast at crew ng pelikula na magiging makatotohanan ang gagawin nilang obra.
 
Dahil sa dedikasyon nila sa pagtupad ng hangaring ito, naganap raw ang shooting sa isang totoong “whorehouse.”
 
Kuwento ng direktor, “As in, doon talaga nangyayari. May isang eksena nga kami doon, nire-rehearse ko sila for blocking. Malinis ang buong location that time. Noong take na, papasok na 'yung isa kong artista, pero pagpasok niya, mayroon nang nagga-ganunan. May nakakalusot sa likod. Hindi namin alam kung paano. Hindi na kami nakapag-take dahil doon.”
 
Naging mahigpit rin daw si Direk Louie sa paggamit ng masyadong maraming ilaw at props. 
 
Nais raw niyang maramdaman ng mga manonood ang totoong kalagayan ng mga naninirahan at nagtatrabaho sa “Area,” na itinuturing na “red district” sa Angeles City, Pampanga.
 
“Walang ginalaw sa location. Kung ano ang nandoon, 'yun ang makikita sa eksena. Ang tubig na nandoon, 'yung kwarto, pati 'yung mga nakakalat sa daan—lahat 'yun ay totoo... Gusto kong makita ang visual na masikip ang lugar, maliit, mabaho. Binigay namin ang todo,” aniya.
 
Dagdag pa niya, “Nag-usap pa kami ng DOP ko. Sabi ko, 'Kung ano dapat ang totoo. Tignan natin. Balik-balikan natin ang lugar na ito. Tignan natin kung anong hitsura. Ganoon mismo ang gagawin natin.' 'Yung ilaw, ganoon. Wala kaming binago. Hindi kami nag-ilaw. Ginamit ng DOP 'yung mga bumbilya doon kasi gusto naming maging totoo. Wala kaming binago sa lahat.”
 
 
Aminado si AiAi na ibang-iba ito sa lahat ng mga karakter na kaniyang binigyang-buhay sa loob ng ilang taon niya sa showbiz.
 
Aniya, nais raw niya ng mas marami pang pagkakataon na gumanap sa mga ganitong uri ng proyekto.
 
“Masyadong hard ang film, pero ito ang tinatawag naming hard na may puso at may redeeming factor sa ending. Matutuwa kayo kasi, usually, ang mga indie film ay walang ending. Ikaw ang mag-iisip. Ito, may ending na mapapa-aww ka. Heartwarming pero hardcore,” pahayag ng Comedy Concert Queen.
 
Dagdag pa niya, “Nagma-mature na rin tayo, tumatanda na. Siyempre, dapat ibang role naman ang gagampanan ko para magkaroon naman ng ibang genre, ibang taste. Noong binigay ito sa akin ni Direk Louie, natuwa ako. Parang, 'Ay, may iba naman akong gagawin sa showbiz life ko.'”
 
Mapapanood na ang “Area” sa mga piling sinehan sa Pilipinas simula sa darating na Linggo, November 9. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News