Ryza Cenon excited over first lead kontrabida role in ‘Ika-Anim Na Utos’
Mas daring na Ryza Cenon ang mapapanood ng mga Kapuso sa upcoming GMA Afternoon Prime series na “Ika-Anim Na Utos,” kung saan gaganap ang aktres sa kaniyang kauna-unahang lead kontrabida role.
Bibigyang-buhay ni Ryza sa nasabing programa si Georgia, ang “other women” ng karakter na gagampanan naman ni Gabby Concepcion.
Ayon sa Kapuso actress, handang-handa na siyang sumabak sa mga mas daring na role upang maipakita pa sa mga manonood ang kakayahn niya bilang isang aktres.
“Mas maiinis sila sa akin kasi iba-iba ang atake ni Georgia. Kakaibiganin niya pa ang asawa,” kuwento niya sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes.
Makakasama niya sa “Ika-6 Na Utos” sina Mike Tan at Rich Asuncion, na kasabayan niya rin sa reality-based artista search na “Starstruck.”
Bida rin sa programa si Sunshine Dizon, na gaganap bilang ang tunay na asawa ng karakter ni Gabby.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsasama-sama sina Gabby, Sunshine, at Ryza sa isang teleserye.
Ayon kay Ryza, isang malaking karangalan ang makatrabaho ang dalawa sa mga iniidolo niya sa industriya.
“Nae-excite ako na nape-pressure, at nacha-challenge rin. Humingi ako ng advide kay Ate Shine about sa pagiging kontrabida,” aniya.
Maging si Gabby raw ay nasasabik nang makatambal sina Sunshine at Ryzza, lalo na't maraming makaka-relate sa kuwentong bibigyang-buhay nila.
Aniya, “Nandoon ang exploration. At alam kong magagaling na ang mga kasama ko, pero kapag pinagsama-sama na kami sa eksena, doon ako excited. Bago sa akin ang experience na 'yun.”
"It's like baring my soul, parang ganoon. Medyo maraming kirot habang binabasa ko ang script pero sabi ko nga, it's part of the job,” ayon naman kay Sunshine sa naunang pahayag. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News