Alden Richards remembers pre-showbiz life in Laguna show
Labis ang saya ng Pambansang Bae at “Eat Bulaga!” Dabarkads na si Alden Richards nang mabigyan ng pagkakataong maging bahagi ng isang anniversary concert, na naganap sa kaniyang hometown sa Laguna.
Pinasaya ng Kapuso host-actor ang kaniyang mga kababayan sa Biñan, Laguna bilang bahagi ng 25th anniversary show ng ineendorso niyang clothing brand.
Buo ang suporta ng mga tagahanga ng aktor, na nagmula sa iba't ibang lugar at dumayo pa sa Alonte Sports Arena upang magpakita ng pagmamahal sa kanilang idolo.
Ayon kay Alden, kakaiba pa rin ang pakiramdam na magtanghal sa kaniyang hometown.
“Sa lahat ng mga kababayan ko sa Laguna, maraming salamat po. Hindi niyo kami binigo sa suporta niyo,” mensahe niya sa kaniyang mga tagasuporta.
Kasama niyang nagpasaya ng mga manonood sina Janine Gutierrez, Juancho Trivino, Jeric Gonzales, at ang grupong One Up.
Kasabay ng anniversary concert, bahagi rin ng pagdiriwang ang isang fashion show at model search.
Dito naalala ni Alden ang mga pinagdaanan niya bago siya maging artista, kabilang na ang pagsali sa iba't ibang kompetisyon.
Ngayong itinuturing na siya bilang isa sa pinakatanyag na artista ng kaniyang henerasyon, nais raw niyang magbigay inspirasyon sa mga kabataang nangangarap rin tulad niya.
Aniya, “Kapag nakikita ko sila, nakikita ko rin 'yung sarili ko dati, na sumasali sa fashion show. Ganoon ako before. Siguro talagang kung para sa kanila ito, ituloy-tuloy lang nila and never lose hope." — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News