Jennylyn Mercado at Gil Cuerva, nagkuwento tungkol sa first taping day ng 'My Love From The Star'
Aminado ang Ultimate Star na si Jennylyn Mercado at ang bagong leading man niya na si Gil Cuerva na kabado sila sa unang araw ng taping para sa Pinoy version ng hit Korean romantic comedy series na “My Love From The Star.”
First taping daw pa lamang, sumabak na agad ang dalawa sa eksena, na tinututukan ng batikang direktor na si Bb. Joyce Bernal.
“Ganoon talaga, naninibago ka kasi bagong project. 'Yung huling soap ko na ginawa, last year pa, mga October,” ayon kay Jen sa panayam ng “24 Oras” nitong Lunes.
Pahayag naman ni Gil, “Sa ngayon, I'm getting familiar lang. Ine-embrace ko lahat, pati ang pressure that comes with it, getting used to things.”
Finally... Steffi found her Mateo! Mission finding Mateo done!? #mylovefromthestar Congrats Gil!????
A photo posted by Jennylyn Mercado (@mercadojenny) on
Upang maging komportable sila sa harap man o likod ng camera, sabay na nag-merienda sina Jen at Gil kahapon kasama si Direk Joyce.
Nagpapasalamat ang dalawa sa pagkakataong ito na mas makilala pa ang isa't isa.
Bukod sa kanilang pag-aartista, napag-usapan rin nila ang kanilang mga pamilya, ang kanilang kabataan, at ang kanilang mga pangarap.
Kuwento ni Jen tunkol sa kaniyang katambal, “Isa siyang bata na nag-aral lang tapos gustong mag-model. Ang simple lang ng gusto niya sa buhay. Na-realize ko na gustong-gusto niya talagang maging artista... Pinakilala ko rin si Jazz sa kanila.”
“It was a good experience kasi mas nakilala ko kung sino si Jen bilang isang tao, isang nanay,” ayon naman kay Gil.
Bago magtapos ang kanilang unang taping daw, nagbigay ng payo si Jen kay Gil tungkol sa industriyang pinasok nito.
Matatandaang bago mag-artista, nakilala ng marami si Gil bilang isang model.
“Ituloy mo lang 'yung craft na gusto mo. Mahalin mo 'yung trabaho mo kasi kapag minahal mo 'yung trabaho mo, babalik sa'yo—may kapalit,” mensahe ni Jen kay Gil.
Pangako naman ni Gil sa kaniyang leading lady, “I promise to always put my best foot forward. Pagdating ko sa set, remove all inhibition, 100% ang effort ko. Kung hindi 100%, 110% ang ibibigay kong effort.” — Bianca Rose Dabu/RSJ/FRJ, GMA News