DongYan shares peek at their home this Christmas
Ilang araw bago ang Pasko, ipinasilip ng mag-asawa at Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang kanilang tahanan kasabay ng pagbabahagi nila ng ilang sikreto sa kanilang matibay ng samahan.
Sa simula pa lamang ng video, kitang-kita na ang pagiging sweet ng mag-asawa nang salubungin ni Marian si Dingdong ng halik at isang surprise batch ng baked goods.
Malapit nang ipagdiwang nina Dingdong at Marian ang kanilang second wedding anniversary at ninth anniversary bilang isang couple.
Ano nga ba ang sikreto ng kanilang pagmamahalan na tila mas tumatatag pa sa paglipas ng panahon?
“Hindi dapat mawala ang fun. You have to do something that excites one another all the time. Bumalik kayo sa mga dati niyong ginagawa. Hindi dahil magulang na kayo, medyo sumu-super serious na. Kung dati, nanonood kayo ng sine, manood pa rin kayo,” ani Dingdong.
Dugtong ni Marian, “Ang pinakaimportante sa lahat, kapag supportive talaga ang partner mo.”
Ibinahagi rin ng mag-asawa ang kanilang kaligayahan ngayong ipagdiriwang nila ang ikalawang Pasko kasama ang kanilang panganay na anak at unica hija na si Maria Letizia.
Wish nila para sa lahat ngayong Pasko, “Sana 'yung joy, 'yung ganitong klaseng pagmamahal ay maranasan niyo rin sa inyong pang-araw-araw na buhay. Hindi lang ngayong Pasko, kundi araw-araw... Sana ay punong-puno kayo ng pag-ibig ngayong Pasko.” —KBK, GMA News