How Oro's controversial dog slaughter scene came about
Patuloy na binabatikos ng marami ang mga bumubuo ng pelikulang 'Oro' dahil sa kontrobersyal na eksena kung saan makikitang kinakatay ang isang aso.
Nauna nang ipinaliwanag ng direktor na si Alvin Yapan na bahagi talaga ng kultura sa Camarines Sur ang pagkatay sa aso, at hindi niya inutusan ang sinumang bahagi ng produksyon na pumatay sa nasabing hayop.
Sa panayam ni Kara David sa 'News To Go' nitong Miyerkules, ibinahagi ng direktor kung paano nga ba nakunan ang kotrobersyal na eksena.
Aniya, isa sa mga nakatira sa lugar kung saan sila nagsu-shoot ang inatake sa puso habang nanonood ng mga kinukunang eksena.
“The day before the scene, may nanonood sa shoot namin na isang local. Siguro inatake siya sa puso sa excitement o pagod dahil sa tagal niyang nakatayo at nanonood, namatay siya," ani Yapan.
"Nagkaroon ng commotion at hinimatay siya at pumanaw. Kumbaga, 'yun ang naging occasion kung bakit nagkaroon ng kahingian sa lugar na pumatay ng aso,” kuwento pa niya.
Kaugalian na raw sa lugar na kumatay ng aso tuwing may okasyon, at hindi raw siya “nag-direct” sa nasabing eksena.
“Hindi siya natiyempuhan na para bang 'Ay, may pumapatay ng aso. Punta tayo doon at kuhaan natin.' Hindi ganoon. Sinabi namin na 'May papatayin na rin lang na aso, puwede po bang kunan namin at dito niyo gawin 'yung pagpatay?'" sabi ni Yapan.
"Hindi talaga namin pinatay (para sa pelikula). May lamay na nangyayari noong ginagawa namin 'yung pelikula, so talagang papatayin 'yung aso. At 'yung pumatay ay dog butcher talaga," dagdag pa niya.
“Reality style talaga siya. It wasn't directed. Ni hindi ko alam kung paano pumatay ng aso. Ang sabi ko sa dog butcher, kung paano kayo pumapatay ng aso, 'yun ang gawin ninyo,” ani Yapan.
Itinanggi rin ng direktor at ng Metro Manila Film Festival 2016 Best Actress na si Irma Adlawan ang pahayag ng isa umano sa naging bahagi ng pelikula na binili pa ang aso upang katayin para sa isang eksena sa pelikula.
READ: 'Oro' cast member says two dogs were killed in movie
Ayon kay Adlawan, nagbibigay lamang ng abuloy ang kanilang produksyon sa pamilya ng pumanaw na residente.
Paliwanag niya, "'Yung sinasabi niya na akala niya binili—doon kasi sa lamay kung saan kinatay 'yung aso, nagbigay ang production ng abuloy at pasasalamat sa ginawa nila. Kumbaga, parang 'Dahil naistorbo namin kayo, napaghintay kayo, ito ang abuloy.' Siguro, 'yun ang kala niyang binayaran."
Sakaling hindi raw nakahanap ng pagkakataon kung saan may totoong asong kakatayin, siguradong gagamit raw ng prosthetics o special effects si Yapan upang maitawid ang eksena, na bahagi talaga ng sinumpaang salaysay ng isang saksi sa Gata 4 Massacre, ang isyung binibigyang-buhay sa pelikula.
Humihingi siya ng tawad sa sinomang nasaktan o nabagabag sa eksena, ngunit bilang isang direktor, nais lamang niyang ipakita ang katotohanan ng buhay ng mga taong nasa liblib ng lugar.
"Gagawin ko pa rin ba 'yung eksenang 'yun sa ganoong paraan kung wala kaming nahanap na tagakatay ng aso? Of course, hindi namin gagawin, kasi nga wala kaming nahanap na tagakatay ng aso," sabi ni Yapan.
"Ako, hindi ko kayang pumatay ng aso, at kahit sino naman siguro sa production ay hindi rin kakayaning pumatay ng aso para lang sa pelikula. Hindi ko rin inimbento 'yung metapora ng aso para lang pumatay sa isa loob ng isang pelikula," dagdag pa niya.
Pagtatapos niya, "Ang MMFF daw ay para sa masa. Ito ay kultura ng masa. Kultura ito sa mga liblib na probinsya. Hindi ko alam kung bakit tayo nagagalit na ipakita itong isang uri ng realidad. Ito ay isang uri ng realidad ng mga kababayan natin (sa liblib na lugar)."
READ: ‘Oro’ director, producers get one-year ban for dog slaughter scene
Sa ngayon, maliban sa pag-pull out ng 'Oro' bago pa man matapos ang MMFF 2016 at pagbawi sa natanggap na FPJ Memorial Award ng pelikula, isang taon na ring pinagbawalan si Yapan at ang mga producer ng pelikula na lumahok sa nasabing film festival.
Hinihiling rin ngayon ng PAWS na tanggalin na si Yapan sa Director's Guild of the Philippines. —Bianca Rose Dabu/NB, GMA News