Janine Gutierrez at Ken Chan, naranasang maging snake-venom extractors
Upang mabigyan ng day off ang mga mapapalad na manggagawang Pinoy, sumabak ang Kapuso stars na sina Janine Gutierrez at Ken Chan sa isang araw ng pagiging snake venom extractors.
Nitong Sabado, ipinasilip sa Kapuso public service show na “Day Off” ang panghuhuli ng dalawa sa mga ahas bukid at Philippine cobra upang makuha ang kamandag ng mga ito.
Bago sumabak sa kakaibang hamon, itinuro rin sa kanila ang iba't ibang first aid techniques sakaling makagat ng ahas.
Ayon kay Janine, “Akala ko sa pelikula lang 'yung magiging itim 'yung dugo mo, pero totoo pala!”
Sa huli, labis ang paghangang nadama nina Janine at Ken para sa mga taong nagtatrabaho bilang snake venom extractors.
“Manghang-mangha ako sa kanila. Minsan, hindi natin naiisip na sobrang importante 'yung mahihirap na trabaho kasi kung walang gagawa, anong mangyayari sa atin?” pahayag ng Kapuso actress.
Bukod sa “Day Off,” mapapanood rin si Janine sa GMA Afternoon Prime series na “Legally Blind,” habang bida naman si Ken sa Kapuso Primetime series na “Meant To Be”. — DVM, GMA News