Rocco Nacino, pinopormahan na nga ba si Sanya Lopez?
Magkasamang nagpasaya sa isang Thanksgiving Party para sa kanilang mga tagahanga ang Kapuso loveteam at “Encantadia” stars na sina Sanya Lopez at Rocco Nacino nitong Linggo.
Para sa kauna-unahang pagtitipon ng kanilang mga fans club, nagsama-sama ang mga tagahanga nila mula sa iba't ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang mga miyembro ng Roccofellas, Sanya Warriors, Roccofellas Global, at RocSan/DanQuil fans.
Lalo pang naging espesyal ang party dahil nagsilbi rin itong advanced birthday celebration ni Rocco, na ipagdiriwang ang kaniyang ika-29 na kaarawan sa darating na Martes, March 21.
Ayon sa Kapuso actor sa isang Instagram post, “Yesterday was definitely a treat for everyone as we held our first get together for Roccofellas, Sanya Warriors, Roccofellas Global and Rocsan/DanQuil fans. It was nice to see everyone making new friends! Sa uulitin mga kaibigan!”
“Kami ang pinasaya nyo kahapon! I Love You kayo talaga!” dagdag pa ni Rocco.
Nang tanungin tungkol sa kaniyang birthday wish, ang sagot ng aktor ay mas malakas na pangangatawan at mas marami pang projects kasama si Sanya.
Dahil sa kanilang pagpapakilig sa telebisyon at pagiging malapit sa isa;t isa kahit sa likod ng camera, marami ngayon ang nagtatanong kung maaari nga bang mauwi sa totohanan ang kanilang pag-iibigan.
Ayon kay Rocco, “Isa si Sanya sa mga nakakapagpa-smile sa akin ngayon, and talagang nae-enjoy ko ang company niya.”
“Sabi ko nga, kung anoman ang mangyari, I'm open naman sa lahat,” sagot naman ni Sanya.
Mapapanood sina Sanya at Rocco gabi-gabi bilang Sang'gre Danaya at Aquil sa hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” kung saan bida rin sina Glaiza de Castro, Gabbi Garcia, Rochelle Pangilinan, Ruru Madrid, Mikee Quintos, at marami pang iba. —NB, GMA News