Klea Pineda set on training to be a beauty queen
Matapos siyang manalo sa Kapuso reality-based artista search na “Starstruck” at magkaroon ng pagkakataong bumida sa remake at retelling ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” may isang pangarap pa raw ang aktres na si Klea Pineda na nais tuparin—ang maging isang beauty queen.
Kasunod ng pagdiriwang niya ng kaniyang 18th birthday, nais na raw ng Kapuso actress na magsimula sa training upang mapaghandaan ang pagsali niya sa kompetisyon.
Aniya sa isang press conference nitong Martes, “Gusto ko nang mag-train this year para kapag sumali na ako, buo na ako at alam ko sa sarili ko na kaya ko na. I want to join, siguro, after three or four years.”
Isa raw sa mga nais niyang tutukan sa training ang Question and Answer, dahil naniniwala siyang responsibilidad ng isang beauty queen ang maging inspirasyon sa mga kabataan sa pamamagitan ng kaniyang mga ideya at opinyon.
“To be a beauty queen is to inspire children to reach for their dreams. Kahit sa tingin nila imposible, ang message mo is to keep on trying hanggang sa makuha nila,” paliwanag ng Kapuso actress.
Dagdag pa niya, “Mas gusto kong ma-train sa Question and Answer. Ngayong 18 years old pa lang ako, kulang pa talaga ako sa experience sa mga ganyan kaya need ko talaga 'yun. Gusto kong ma-experience na kapag may nagtanong sa akin, masasagot ko nang tuloy-tuloy, with confidence.”
On bashers and her advocacy
Tulad ni Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach, ang pangatlong Pilipina na nakapag-uwi ng presithiyosong Miss Universe crown, handa rin si Klea na harapin ang iba't ibang pagsubok na maaari niyang maranasan habang tinutupad ang kaniyang pangarap.
Handa raw siyang sumali sa local pageants nang ilang beses upang mabigyan ng pagkakataon na maging kinatawan ng Pilipinas sa isang international pageant, at handa na rin daw siya sa posibilidad na magkaroon ng mas marami pang bashers.
Ayon sa aktres, “Noong nag-audition ako para maging artista, na-reject man ako noong una, sumubok pa rin ako. And sa pangalawang try ko, pasok na ako. Kaya naniniwala talaga ako na kapag nag-fail ka sa umpisa, huwag kang mag-give up agad kasi nasa timing 'yan ni Lord.”
“Kahit naman kapag artista, may bashers na. Okay lang 'yun. Bash lang kayo nang bash... Minsan kapag may nakikita akong message na 'Ang pangit mo,' ang sasabihin ko lang, 'Thank you. Salamat sa opinyon.' Sasagot ako ng maganda, tapos magugulat na lang ako na ang next message nila sa akin, 'Oh mygod! Nag-reply ka! Thank you so much!' Kaya, okay lang talaga,” pahayag pa niya.
Napag-isipan na rin daw ni Klea ang magiging adbokasiya niya sa oras na maging isang beauty queen—ang tumulong sa mga nakatatanda.
Aniya, “Malapit ako sa matatanda kasi sobrang close ako sa Lolo ko... Gusto kong makatulong sa mga Home for the Aged. Gusto kong magtanong sa mga tao kung bakit nilalagay nila doon 'yung mga nanay at tatay nila. Dapat mag-give back tayo sa kanila. Dapat kung ano ang ginawa nila para sa atin before, gawin din natin para sa kanila.”
Handa na rin ba siyang iwan ang pag-aartista para maging isang beauty queen?
Mabilis na sagot ng aktres, “Gusto ko talaga parehas. Puwede namang after the pageant, mag-artista ako ulit, hindi ba?”
Ipagdiriwang ni Klea ang kaniyang ika-18 na kaarawan sa isang modern bohemian-themed #EighteenK debut party, na magaganap sa darating na Sabado, March 25, sa Nobu Hotel Manila, City of Dreams sa Parañaque City.
IN PHOTOS: Klea Pineda looks like a beauty queen in pre-debut shoot
—With Jannielyn Ann Bigtas/LBG, GMA News