Carla Abellana dedicates 'Mulawin vs. Ravena' stint to Tom Rodriguez's late dad
Kabilang ang Kapuso actress na si Carla Abellana sa mga gaganap sa inaabangang Kapuso Primetime series na “Mulawin vs. Ravena,” ang pagpapatuloy ng kuwentong sinubaybayan noong 2004 sa telefantasyang “Mulawin.”
Bibigyang-buhay niya si Aviona, ang karakter na ginampanan noon ni Bianca King.
Mula sa pagiging mandirigmang Mulawin, masasaksihan ngayon ng mga manonood si Aviona bilang isang ina.
Ayon kay Carla sa isang panayam nitong Lunes, “Ako 'yung magiging mother ni Anya, na isang half-tao at half-Mulawin, o Tabon. Pinaglalaban ko lahat ng uri—tao, Mulawin, half-human and half-Mulawin. Para sa akin, ang Avila ay puwede para sa lahat. Puwedeng magkaisa kahit hindi magkaka-uri.”
A post shared by Carla Abellana (@carlaangeline) on
Bukod sa kaniyang mga tagahanga na matagal nang naghihintay ng kaniyang next project, iniaalay rin daw ni Carla ang kaniyang pagganap sa “Mulawin vs. Ravena” sa ama ni Tom Rodriguez, na pumanaw nitong nakaraang linggo.
Aniya, naging malapit na ang kaniyang loob kay William Albert Mott, Sr., o Tito Bill, na itinuring raw siya bilang bahagi ng kanilang pamilya.
Sa isang Instagram post, sinabi ng aktres, “Tito Bill, you were waiting to see me fly on TV before you passed away. Now you can watch me fly from Heaven. This one's for you.”
Pagbabahagi niya pa sa panayam, “Nahirapan talaga ang daddy ni Tom. Mabilis na nag-deteriorate ang katawan niya kahit sobrang lakas niya as a person. Sobrang lakas ng daddy ni Tom physically. Nilabanan niya talaga. Lahat ng ni-recommned ng doctors ay sinubukan niya. It's unfortunate lang na aggressive ang cancer at hindi nakuha sa therapy.”
“Na-meet ko na siya before, nagkasama na kami noong nandito siya sa Pilipinas, at lumipad rin ako pa-America noong New Year to celebrate with them... Minahal ko na rin si Tito Bill. Ibang klase siyang magmahal. Talagang pina-feel niya sa akin na family ako,' dagdag pa ng Kapuso actress.
Nagpapasalamat na lang daw siya na nasa mabuting kalagayan si Tom at ang buong pamilya nito, na sama-sama ngayon sa Amerika at magkatuwang sa pagluluksa.
Aniya, “(Tom is) okay. Nagluluksa sila, pero grateful siya na magkakasama silang magkakapatid. At least, sabi niya, doon siya nagdo-draw ng strength—na magkakasama sila. And his dad passed away peacefully, with all of them surrounding him.”
A post shared by Carla Abellana (@carlaangeline) on
Makakasama ni Carla sa “Mulawin vs. Ravena” sina Heart Evangelista, Lovi Poe, Dennis Trillo, Chynna Ortaleza, Dion Ignacio, TJ Trinidad, Angelu de Leon, Bobby Andrew, Nova Villa, Valerie Concepcion, Roi Vinzon, Joko Diaz, Charee Pineda, Kiko Estrada, Bea Binene, Derrick Monasterio, Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Wyn Marquez, David Licauco, Regine Velasquez, Ariel Rivera, at Tom Rodriguez.
Inaasahang ipapalabas na ang inaabangang telefantasya sa GMA Primetime ngayong 2017.
READ: Tom Rodriguez’s father passes away
—Bianca Rose Dabu/KG, GMA News