Gil Cuerva natupad na ang pangarap na makatambal si Jennylyn Mercado
Aminado ang Kapuso model-actor na si Gil Cuerva na natupad na ang kanyang pangarap na makatambal ang ultimate star na si Jennyln Mercado lalo't tuluy-tuloy na ang kanilang taping ng Pinoy version ng hit Korean romantic comedy series na "My Love from the Star."
Ayon kay Gil, pangarap lang daw niya noon na makilala si Jennylyn sa audition ng kanilang teleserye, ngunit ngayon ay labis daw siyang natutuwa dahil mas nakikilala niya pa ang Kapuso star.
"I tried my best to be Matteo because nakakatawa yung character ni Steffi at si Jen as a person. Pero minsan napapatawa ako. But you know I have to get back to my character," ayon kay Gil sa panayam ng "Balitanghali" nitong Miyerkules.
"It's work pero I mean, I get to enjoy. I enjoy what I do and I guess that's the best part about it," dagdag pa niya.
Makikita rin sa pictorial ng dalawa na komportable na sila sa isa't isa.
Pahayag naman ni Jen, "Kahit papaano nakakapag-share na kami ng mga experiences namin. Importante 'yun eh. Ako sa lahat ng mga nagiging katrabaho ko, importante yung foundation. Kasi parang mas totoo, hindi yung arte."
Ayon pa sa Kapuso star ay challenge sa kanya na maipakita ang kanyang naitatagong galing sa comedy.
Aniya, "Akala nila kasi 'pag sinabi mong 'My Love From the Star,' oh Steffi, nakakatawa lang, diba yung parang makulit lang? Pero ang hindi nila alam kay Steffi, malungkot talaga siyang tao. So ang hirap ng pinapakita mo, kailangan masaya ka pero kailangan maramdaman nila yung pain tsaka hurt sa loob."
Gaganap na "Matteo Domingo" ang Filipino-Spanish na si Gil at bilang "Steffi Chavez" naman si Jen, sa ilalim ng direksyon ng batikang direktor na si Joyce Bernal. — Marlly Rome Bondoc/MDM, GMA News