ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
BALIKAN

Mga yumaong showbiz personality ngayong taon


 

Bagama't lumisan na, hindi naman matatawaran ang mga alaala na iniwan ng mga kilalang showbiz personalities na yumao nitong taon, lalo na ang mga ambag nila sa industriya.

Nitong Pebrero 10, 2017, pumanaw ang sikat na fashion designer na si Pepsi Herrera sa edad na 56 dahil sa cardiac arrest.

Sinundan ito ni Gil Portes, isang multi-awarded film director, na namatay noong Mayo 24, 2017 sa edad na 71. Ilan sa mga tanyag niyang obra ang "Saranggola," "Mga Munting Tinig," at "Ang Hapis."

Namatay naman ang batikang direktor na si Soxie Topacio sa edad 65 nitong Hulyo 21, 2017 nang dahil sa lung cancer. Naging bahagi rin siya ng GMA serye na "Impostora" at "Dear Uge."

Nitong Agosto 1, 2017 naman, namaalam ang kilalang talent manager at columnist na si Alfie Lorenzo matapos atakihin sa puso. Ilan sa kaniyang mga hinawakan ay sina Judy Ann Santos at Sunshine Cruz.

Dahil sa kidney failure, sumakabilang-buhay ang batikang aktres na si Zeny Zabala nitong Agosto 8, 2017 sa edad na 80. Kilala siya bilang kontrabida sa mga pelikula ng Sampaguita Pictures noong 1950s.

Nito namang Oktubre 12, yumao ang direktor na si Maning Borlaza sa edad 81 dahil sa atake sa puso. Kilala siya bilang direktor ng mga pelikulang pinagbidahan ni Star For All Seasons Vilma Santos na "Darna and the Giants," "Lipad, Darna, Lipad" at "Dyesebel."

Sakit na colon cancer ang ikinamatay ng beterang aktor na si Chinggoy Alonzo nitong Oktubre 15. Napanood siya bilang Evades sa "Encantadia" noong 2006 at "Hahamakin ang Lahat" nitong 2016.

Kumplikasyon naman sa puso ang ikinamatay ni Vincent Daffalong o Vincent de Castro sa tunay na buhay, nitong Oktubre 19. Kilala siya bilang "First rapper of the Philippines" at isa sa mga 80s novelty singer.

Nito namang Oktubre 22, pumanaw ang action star na si Baldo Marro sa edad 69. Naging bahagi siya ng hit afternoon series na "Ika-6 na Utos" kung saan isa siyang stunt director. —Jamil Santos/KBK, GMA News

Tags: undas2017