ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

‘Meant To Beh,’ may aral tungkol sa pamilya in a ‘seriously funny’ way


"A serious funny movie" raw kung mailalarawan nina Bossing Vic Sotto at veteran actress Dawn Zulueta ang MMFF entry nila na "Meant To Beh," na isang pelikulang tungkol sa pamilya na bukod sa katatawanan ay kapupulutan din ng aral.

"The title is 'Meant To Beh.' Kasi ang tawagan namin dito ni Dawn eh 'Beh' kapag nakaharap ang mga bata...  Alam mo marami sa ating ganu'n eh, mga mag-asawa na madalas kong marinig, nagsasama dahil sa mga bata... May semblance ng ganu'n 'yung aming relationship ni Beh (Dawn)," sabi ni Bossing Vic sa press conference ng pelikula nitong Martes sa Quezon City.

"You'll have fun watching the movie and at the same time, hindi mo mapapansin na may pumapasok sa 'yong mga aral, values na at the end of the day, mare-realize mo na dapat ganu'n," paliwanag pa ni Bossing.

"'Serious funny movie'... it's more of the situation that is funny, 'yun ang nagdadala ng komedya eh," dagdag pa niya.

Ang pelikula ay tungkol sa mag-asawang Ron (Vic) at Andrea (Dawn) na bagama't kasama ang kanilang mga anak sa iisang bahay, malamig ang kanilang relasyon dahil sa kanilang mga pagkakaiba. Mas lalo pa silang susubukin dahil pareho silang makakakilala ng mga muling magpapatibok ng puso nila.

Sa tulong na rin ng kanilang mga anak, susubukan nina Ron at Andrea na ayusin ang kanilang pagsasama.

Ayon kay Bossing Vic, ito raw ang kauna-unahang "serious" movie na ginawa niya na may halong komedya.

"Sabi ko nga it's a first for me doing a serious movie na nakakatawa. Walang mga effects, walang fantasy, it's all reality... Life should be funny, kasi 'yan ang nagbibigay-buhay sa atin eh. Kailangan very light, learn to laugh at your mistakes, at your problems," kaniyang sabi.

Paliwanag naman ni Dawn, isa raw "heart-warming movie" ang pelikula dahil sa mga values na kapupulutan.

"Masarap panuorin ang pelikula namin kasi nga gaya ng sinasabi natin, pamilya talaga ang center of attraction ng Pasko, and I think this is a very heart-warming movie because ibabalik ulit natin lahat ng mga values ng pagiging pamilya. Kahit hindi kumpleto, kahit hindi perpekto, dahil wala naman talagang perpektong pamilya, nandu'n palagi ang pagmamahal."

"So 'yung mga values na 'yan, very important values for life, I think will be brought to light in this movie, in a funny way. Kaya maganda 'yung sinabi ni Bossing na it's a 'seriously funny' movie because bukod sa habang natatawa ka, meron ka talagang lessons na mapupulot sa pelikulang ito," pahayag pa ni Dawn.

Tampok din sa pelikula ang mga Kapuso stars na sina Andrea Torres, Baeby Baste, at tambalang "GabRu" nina Ruru Madrid at Gabbi Garcia.

"Ang maipapangako po namin sa inyo ngayong Pasko, isang pelikula na will make you smile from the start to the end... Ang feeling po na makukuha niyo sa pelikula, aaliwin po kayo mula umpisa hanggang dulo," sabi ni direk Chris Martinez.

Ipapalabas ang "Meant To Beh" sa Disyembre 25. —LBG, GMA News