Gabbi at Ruru ukol sa paghihiwalay: ‘Natuto kami paano tumayo sa sarili’
Sa paghihiwalay nila bilang mag-on-screen partners, inihayag nina Kapuso stars Gabbi Garcia at Ruru Madrid na natuto raw silang tumayo sa mga sarili nilang paa, kaya masasabi nilang mas "mature" raw ang nagbabalik-tambalan nilang "GabRu."
"Siguro, they gave us space lang for us to work on our individual careers, as solo artists, so okay din kasi at least we got to balance each other's career," sabi ni Gabbi.
"And I think dahil po du'n, natuto rin naman kami kung paano tumayo sa sarili namin," sabi naman ni Ruru.
Nagkomento sina Gabbi at Ruru sa isang press conference ng MMFF 2017 entry na "Meant To Beh" nitong Martes sa Quezon City, kung saan parte sila ng cast. Ang naturang pelikula ay pagbibidahan nina Bossing Vic Sotto at Dawn Zulueta.
Ayon kay Ruru, para sa ikakabuti rin ang panandaliang paghihiwalay nila ni Gabbi, para matutukan nila ang kanilang mga sarili.
"For example, Gabbi kasi, ever since, talagang magka-work na rin kami so talagang sanay na sanay kami sa isa't isa and then may mga times lang talaga na pinaghihiwalay para at least hindi pa rin namin makalimutan 'yung sarili namin."
Paliwanag naman ni Gabbi, "We're here as actors naman talaga so we would want to explore. As an artist talaga, mas gusto namin ma-branch out 'yung mga capabilities namin bilang artists."
Dahil dito'y mas naging "mature" raw ang dalawa.
"I could say it's more mature now," sabi ni Gabbi.
"I think talagang mas maibibigay namin 'yung mga magandang eksena at mas madali 'yung trabaho namin ngayon kasi kabisado na rin namin 'yung isa't isa," sabi ni Ruru.
Bukod sa "Meant To Beh," mapapanood din ang tambalang GabRu sa isang upcoming GMA serye na ipalalabas sa 2018.
Para rin daw sa kanilang mga fans ang balik-tambalan nila.
"Yes, very thankful kami ni Ruru sa blessing na ito kasi ang tagal din naming hindi naging on-screen partner and siyempre nag-abang din 'yung mga GabRu fans," sabi ni Gabbi.
Ito na 'yung pinakahinihintay nila," sabi naman ni Ruru.
Ayon pa kay Ruru, matagal na nilang kilala ang isa't isa ni Gabbi kaya sanay na sila na magtrabaho bilang love team.
"Working with Gabbi, parang sobrang dali na eh, kasi sobrang kilala na namin ang isa't isa. Alam namin kung nahihirapan ba 'yung isa't isa. So alam na namin kung paano gamutin 'yun. Alam na namin kung paano pakiligin 'yung mga tao," sabi ni Ruru.
"Tsaka it's always comfortable working naman with Ruru, napakadaling katrabaho and a very talented actor kaya makes everything easier for us," ayon naman kay Gabbi.
Nilinaw naman ni Gabbi na walang nangyaring pormal na anunsyo na pinaghiwalay sila, at hindi niya naramdaman ang kanilang pagkakalayo.
"There's no formal information, announcement that was brought na totally, hihiwalayin ang love team. It just so happened na things abruptly changed in the process, in the show. Pero every week naman we work together in 'Sunday PinaSaya' and in other endorsements, magkasama kami, so we didn't really feel na pinaghiwalay kami."
Aminado ang GabRu na may nararamdaman din silang pressure sa bago nilang serye sa GMA.
"The pressure is really there kasi it's airing on primetime and talagang ito 'yung hinihintay ng fans. Talagang gusto naming ibigay 'yung the best for them," sabi ni Gabbi.
Huling mang nakitang magkatambal sa "Encantadia," magkasama pa rin sina Gabbi at Ruru sa "Sunday PinaSaya." —LBG, GMA News