Kapuso celebrities, ikinuwento ang kanilang ‘Samahang Masaya ang Pasko’
Ang Pasko ay panahon ng kasiyahan at pagmamahalan, kaya naman inihayag ng ilang Kapuso celebrities na kabilang daw sila sa "Samahang Masaya ang Pasko."
Sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, ikinuwento nila na bukod sa oras sa pamilya at mga mahal sa buhay, mayroon din silang Christmas plans.
Engaged na ngayong taon, sinabi ni Kapuso hunk Rodjun Cruz na magiging espesyal daw ang kaniyang Pasko lalo't kapiling niya ang kaniyang pamilya at fiance na si Dianne Medina.
"Mas special ngayon dahil siyempre fiance ko na si Dianne. After ng noche buena ko with family, didiretso na ako sa family naman ni Dianne and with Dianne so kasama ko siya sa Christmas," sabi ni Rodjun.
Masaya rin ang Pasko ni Kapuso Comedy Queen AiAi delas Alas na nakatakdang ikasal ngayong Disyembre kay Gerald Sibayan, at mayroon pa silang Christmas Party para sa mga kapos-palad.
"Christmas is for loving, for giving. Since kakakasal ko lang, ang bago ngayon, meron akong ni-create na Christmas party for the poor people," sabi ni AiAi.
Pinaplano na rin ni "The One That Got Away" star Dennis Trillo at ng kaniyang kasintahan na si Jennylyn Mercado kung paano ipagdiriwang ang Pasko.
"Siyempre sa masaya, sa 'Samahang Masaya ang Pasko.' Meron din pero hindi ngayong Christmas season, after pa, para hindi makasabay sa maraming tao.
Inihayag naman nina Barbie Forteza at Jak Roberto na "first time" daw na hindi malamig na ipagdidiwang nila ang Pasko.
"First time yatang magiging masaya 'yung Pasko ko," sabi ni Barbie.
"Ito 'yung unang Christmas na hindi malamig 'yung Pasko," sabi naman ni Jak.
Sinorpresa ni Barbie si Jak kamakailan sa kaniyang kaarawan, na para sa kaniya ay maaga na raw na Pamasko ng kasintahan.
"Nu'ng time na 'yun, magka-text kami, nasa nail spa. Alam ko late siyang natatapos sa ganu'n eh so hindi ko alam na pupunta siya nu'ng time na 'yun. 'Yun pala, on the way na siya nu'ng mga panahon na 'yun and sobrang na-appreciate ko 'yung effort kasi sa Tagaytay 'yung location. Pinuntahan niya pa ako nu'n para lang magdala ng cake," sabi ni Jak.
"Nu'ng mga time na 'yun, aligaga ako sa paghahanap ng cake kasi nga mag-a-alas dose na eh, wala nang bukas, naghahanap ako ng cake. Pero ayun, may bukas pa naman," sabi naman ni Barbie.
Plano ni Jak, "Vi-visit ako sa bahay niya or invite ko siya sa 'min." —LBG, GMA News