ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
BUKOD SA REGALO

Kapuso stars ‘bonding’ ang Pamasko sa mga inaanak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Handang-handa na raw ang ilan sa mga Kapuso stars para sa mga ireregalo nila sa kanilang mga inaanak, pero higit pa sa materyal na bagay, inihayag nilang mahalaga pa rin na magkaroon ng bonding sa mga bata.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing matatawag nang "Ninang ng Bayan" si Kapuso Comedy Queen AiAi delas Alas dahil sa dami ng kaniyang inaanak.

Ilan sa mga inaanak ni AiAi sina Baby Zia Dantes, anak ng mag-asawang Marian at Dingdong Dantes at Nate Alcasid, anak nina Regine at Ogie Alcasid.

"Si Zia ang latest na inaanak ko, si Nate, dati pa, seven years old na eh," saad ni AiAi.

Mahalaga raw ang bonding kay AiAi, kaya naman may video sila ni Zia ng kanilang singing session.

"Christmas is for loving, for giving. Actually 'yung iba, dapat nga, isipin natin na lahat naman, araw-araw, dapat nagbibigayan tayo. Araw-araw nagmamahalan," sabi pa ni AiAi.

Marami ring inaanak si Kapuso actress Yasmien Kurdi—ninang siya nina Alex Jazz at Katie, mga anak ng co-Starstruck niyang sina Jennylyn Mercado at Katrina Halili.

Handa na rin si Yasmien para sa mga Pamasko ng mga inaanak, kahit abala sa taping ng "Hindi Ko Kayang Iwan Ka."

Welcome raw ang kaniyang mga inaaanak sa kaniyang bahay, pati na ang mga kumare at kumpare.

"Siguro magluluto lang ako sa house, tapos kung sinong friends ang gustong dumating or families, welcome silang kumain," sabi ni Yasmien.

Naging kontrabida man sa "Encantadia" pero mapagmahal na ninang naman si Glaiza de Castro. Inaanak niya  si baby Stellar, solong anak ng kaibigan niyang si Chynna Ortaleza.

Gusto raw ni Glaiza na maging mabuting ehemplo sa mga inaanak dahil mahalaga ang papel ng pagiging ninang.

"Iga-guide mo siya talaga every chance that you have. Para ka na ring mga magulang in a way. So dapat maging mabuting example ka sa kanila," sabi ni Glaiza. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News