Bossing Vic, Dennis hangad nga bang makatatanggap ng MMFF award?
Sinagot nina Bossing Vic Sotto at Dennis Trillo kung hinahangad ba nila ang makakuha ng awards, matapos muling makasama sa mga pelikula sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Parte si Bossing Vic ng main cast ng "Jack em Popoy: The Puliscredibles," kasama sina Phenomenal Star Maine Mendoza at aktor na si Coco Martin.
"Eh, parang kulang ang buhay ko pagka walang [movie] eh, kulang ang taon pagka wala tayong naipapalabas para sa entertainment ng mga manonood ng pelikulang Pilipino lalo na pagdating ng Pasko," pahayag ni Bossing Vic sa nakaraang media conference ng Jack em Popoy.
Bossing Vic Sotto will be Popoy Fernandez for Jack Em Popoy The Puliscredibles. @gmanews pic.twitter.com/yZet9uLCUt
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) December 6, 2018
"Kasi marami sa atin nakakapanood 'pag Pasko lang eh. 'Yung mga bata usually 'pag Pasko lang [nakakapag-decide] kung ano ang gusto nilang panoorin eh. So we made sure na ito'y puwede sa bata, sa teenager, at all ages," dagdag pa ni Bossing Vic.
Kung aspiring ba siya para sa MMFF award, "Always aspiring pero hindi nabibigyan ng pagkakataon. Siguro, balang araw," ang kaniyang sagot.
Nakatanggap ng tatlong nomination for Best Actor si Bossing sa MMFF.
Paglilinaw ng Eat Bulaga Dabarkads host, hindi niya tinitingnan ang mga kapwa aktor na kasali sa MMFF bilang mga kakompitensya.
"Alam mo sa dami ng taon na pinagdaanan ko dito sa Metro Manila Film Festival, never kong inisip na ako'y may kalaban. Ako'y may kakampi. Marami tayong kakampi, kasi ito naman, ang pinag-uusapan natin dito eh 'yung entertainment ng ating mga kababayan. Pare-parehas lang sa akin."
Samantala, kasama naman si "Cain at Abel" star Dennis Trillo sa pelikulang "One Great Love." Sa direksyon ni Eric Quizon, kasama ni Dennis sina Kim Chiu at J.C. de Vera.
Dennis Trillo plays as Ian for his upcoming MMFF movie One Great Love. @gmanews pic.twitter.com/lvVYY4ktMl
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) December 4, 2018
"Secondary" na lang daw kay Dennis ang makakuha ng awards.
"Aspiring ako na sana marami ang makapanood nito. 'Yung awards, ano na lang 'yan, secondary. Kumbaga, alam naman namin na talagang binigay namin ang lahat dito so para sa akin, best actor and best actress na rin kami rito. So gusto lang namin na mapanood ng marami para hindi masayang lahat 'yung mga pinaghirapan naming efforts," saad ni Dennis sa press conference ng One Great Love.
Huling pelikula ni Dennis sa MMFF ang Shake, Rattle and Roll 15 noong 2014.
Natanggap naman niya ang Best Supporting Actor sa 2004 Metro Manila Film Festival sa pelikulang Aishite Imasu 1941: Mahal Kita.
Nitong Huwebes idadaos ang MMFF Awards Night sa Solaire. —LBG, GMA News