Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Iza Calzado makes last-quarter rush


Sa huling tatlong buwan ng taon, raratsada si Iza Calzado at mapapanood siya sa tatlong pelikulang mainstream, tatlong indie movies, at dalawang TV shows sa GMA-7. Nakapagsimula nang mag-shooting si Iza sa mga pelikula ng GMA Films at Regal Films na One True Love; sa APT Entertainment na Scaregiver; at noong isang araw, sa Desperadas 2. Love triangle ang One True Love kung saan equal billing sina nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa direction ni Mac Alejandre. Comedy horror naman ang Scaregiver ni Uro Dela Cruz na unang pagbibida nina Jose Manalo at Wally Bayola. Ensemble comedy ang Desperadas 2 ni Joel Lamangan, kung saan magsasama silang muli nina Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, at Marian, at kasama pa si Eugene Domingo. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Iza sa parehong set ng One True Love at Scaregiver. Napag-usapan na rin namin ang Desperadas 2 kung kaya't tinanong namin siya kung hindi ba siya natatakot na ma-over-expose. "Hindi naman, magkakaiba naman ang papel ko sa tatlo. Drama ang One True Love, comedy ako rito [sa Scaregiver], ‘tapos sophisticated comedy sa Desperadas. At saka ang tagal ko nang hindi napanood sa pelikula, Desperadas pa yung huli," paliwanag niya. Bukod dito, natapos na rin ni Iza ang tatlong indie movies na nakatakda ring ipalabas sa last quarter ng 2008. Nag-special appearance siya sa first-produced indie movie ni Piolo Pascual na Manila; isa siya sa ensemble cast ng Adela; at siya naman ang pinakabatang cast ng Fuschia. Dalawang parte ang Manila ni Piolo na parehong shot in black and white. Sa nag-iisang eksenang colored papasok si Iza at nasa gitnang parte ito ng pelikula bilang isang artistang nagsu-shooting na madadaaan ng character ni Piolo. Ensemble acting din ang Adela na pinagbibidahan ni Anita Linda. Kasalukuyang iniikot na ang pelikulang ito ni Adolf Alix sa iba't ibang international film festivals. Isang DGP (Directors Guild of the Philippines) project naman ang Fuschia na magiging parte ng gagawing mini-festival ng mga directors na kasali sa guild, na tipong out of the box sa kanilang mga ginagawang mainstream movies. Si Joel Lamangan ang direktor ng pelikula na tungkol sa mga matatandang characters. Bukod sa anim na pelikula, magsisimula na rin ang La Lola sa Lunes, October 13, sa Telebabad block ng GMA-7, kapalit ng magtatapos sa Biyernes na Ako Si Kim Samsoon. Isang babaylan ang papel ni Iza na siyang maghihiganti para sa kapatid na si Jewel Mische, na nagpakamatay pagkatapos maloko ng character ni Wendell Ramos na si Lalo. Katulad ni Wendell, special participation lang din si Iza na mapapanood sa unang linggo ng La Lola. Pero sa pagkakaalam niya, baka bumalik ang character niya sa dulo o kalagitnaan ng soap. Bukas naman, October 9, magsisimula ang Obra ni Sunshine Dizon ngunit ngayon pa lang, in-announce nang si Iza ang magiging pang-apat na artistang magbibida sa Thursday drama anthology ng GMA-7. Ang episodes ni Iza ay magsisimula sa kalagitnaan ng November. - Philippine Entertainment Portal

Tags: izacalzado, emmys