PEP: ABS-CBN suspends Cristy Fermin
Bago pa man i-report ng TV Patrol World ngayong gabi, October 15, ang pagkakasuspindi sa kontrata ng controversial TV/radio at kolumnista na si Cristy Fermin ay nakatanggap na ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng impormasyon na may iaanunsiyo ang primetime newscast ng ABS-CBN tungkol sa katayuan ni Cristy sa Kapamilya network. Agad naming tinawagan ang Corporate Communications department ng ABS-CBN upang kumpirmahin ang nakuhang impormasyon ng PEP. Nagulat man kung paano namin nalaman, tumanggi silang magbigay ng detalye, hintayin na lang daw namin ang report ng TV Patrol World. Pero nangako naman sila na magbibigay sila ng kopya ng official statement pagkatapos. Sa report ni Mario Dumaual para sa TV Patrol World kanina ay sinabi na sinuspindi ng ABS-CBN ang kontrata ni Cristy mula sa Sunday showbiz talk show na The Buzz at sa kanyang daily radio program sa dzMM, ang Showbiz Mismo, hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan (December 31, 2008). Sa official statement ng ABS-CBN, ipinaliwanag nila na ang suspension ng showbiz contract ni Cristy ay may kinalaman sa mga naging pahayag niya laban sa dating aktres na si Nadia Montenegro sa The Buzz noong October 5. (Click here to read related article.) Sa pananaw ng ABS-CBN ay nadamay ang mga batang walang kinalaman sa kontrobersiya sa naging pahayag ni Cristy. Ayon sa TV host, ang isa diumano sa mga anak ni Nadia ay hindi niya anak sa asawa niya na si dating Caloocan Mayor Boy Asistio. Ayon pa sa statement, "ang naging aksiyon ni Cristy ay lumabag sa ilang provisions ng kanyang kontrata partikular na sa mataas na batayan ng propesyunalismo at integridad ng pamamahayag na nagdulot ng pinsala hindi lang sa kanyang pangalan at integridad kundi pati na rin The Buzz at sa ABS-CBN." Bukod sa report ng TV Patrol World ay nakakuha pa ng ilang karagdagang impormasyon ang PEP. Mula sa isang source na malapit kay Cristy, natanggap daw ni Cristy ang memo mula sa ABS-CBN management nitong weekend. Kaninang hapon naman, October 15, pagkatapos ng kanyang radio program na Showbiz Mismo ay ipinatawag daw si Cristy ni Ms. Cory Vidanes, ABS-CBN Head for TV Production. Dito na raw sinabi kay Cristy ang desisyon ng Kapamilya network na suspendihin siya mula sa kanyang TV show at sa kanyang radio program. Bukod daw kasi sa pagsasalita niya sa The Buzz ay nagbigay rin si Cristy ng pahayag laban kay Nadia sa kanyang radio program kaya pati rito ay sinuspinde rin siya. Napag-alaman din ng PEP na ang nakapirma sa suspension order ni Cristy ay sina Ms. Vidanes at Mr. Peter Musngi, ABS-CBN vice president for Manila Radio Division. Sa pamamagitan din ng aming source ay nakuha ng PEP ang reaksiyon ni Cristy sa suspension na ipinataw sa kanya ng ABS-CBN. Aniya, "Alam ko na darating âyan. Handa na ako." Hindi pa malinaw sa kasalukuyan kung makakabalik ulit si Cristy sa The Buzz at sa Showbiz Mismo o hindi na pagkatapos ng kanyang suspension. Samantala, naghain naman ng reklamo si Nadia sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban kay Cristy at sa The Buzz kahapon, October 14. Ito ay may kaugnayan pa rin sa mga paratang ni Cristy laban kay Nadia sa October 5 episode ng The Buzz. Hiniling ni Nadia na masuspinde at maimbestigahan ang co-host ng The Buzz. Sinabi rin ni Nadia na magsasampa siya ng libel at slander case laban kay Cristy sa susunod na linggo. Bago ang suspension kay Cristy ay nauna nang tinanggal ng ABS-CBN ang TV/radio personality at showbiz columnist na si Ogie Diaz mula sa morning show na Umagang Kay Kanda at sa kanyang radio program sa dzMM. "Non-renewal of services" ang ibinigay na dahilan kay Ogie ng mismong head ng ABS-CBN News & Current Affairs na si Maria Ressa. Lumabag diumano si Ogie sa Code of Ethics ng News & Current Affairs dahil sa pagtanggap niya ng tokens o "envelope" mula sa presscons. - Philippine Entertainment Portal