PEP: Iwa Moto wants to work while visiting ailing father in Japan
Ibang klase ang dedikasyon ni Iwa Moto pagdating sa kanyang pamilya at trabaho. Masasabi talagang kayod-marino ang motto ni Iwa kapag trabaho na ang pinag-uusapan dahil lagi niyang iniisip ang kapakanan ng mga mahal sa buhay. Kaya sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Iwa, nasabi nitong pagpunta niya ulit sa Japan, gusto niya'y nagtatrabaho pa rin siya sa bansa ng kanyang tatay. Ito ay kapag nakaluwag sa marami niyang commitments para mabisita ang kanyang amang may malubhang karamdaman. "Mahirap din pumunta at magpabalik-balik ng Japan, lalo't busy rin ako sa trabaho ko rito. Sana lang kapag nandoon ako, magkaroon ako ng trabaho doon sa Japan. Di ba, may Filipino TV din doon, yung cable TV ng GMA? Para kahit nandoon ako ay kumikita pa rin ako at nakakatulong sa aking pamilya," sabi ni Iwa. Actually, kadarating lang ni Iwa from Japan, pero gusto niyang makabalik agad doon dahil binigyan na ng taning ang kanyang ama na may liver cancer. "Nalulungkot po talaga ako sa nangyari," aniya. "Pagdating ko nga po ng Japan, nagpunta agad ako sa hospital at nakipagkuwentuhan sa father ko. Pinagbilinan niya ako na alagaan ko ang aking mga kapatid, maging mabait na anak ako at kapatid. "Kaya po mas masakit talaga at hindi ko maiwasang maiyak habang nagkukuwento dahil nagbibilin na ang tatay ko. Hindi ko ma-explain and hindi namin masabi na ganito na lang ang itatagal ng buhay niya, yung mga nangyayari sa kanya. Kasi kahit kami, hindi pa namin tanggap ang nangyayari sa kanya ngayon," naluluhang kuwento ng aktres. Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Iwa at kahit ganoon ang sitwasyon ay nakakapiling niya ang ama sa huling sandali nito sa mundo. "Kahit ganito ang sitwasyon, at least nasabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya," saad ni Iwa. "Actually, half of his body, hindi na gumagalaw, e, June lang nalaman na may cancer pala siya, at July kumalat na yun sa buong katawan niya. Bale Stage 4 na nang malaman. Naaawa nga po ako sa kanya kaya gusto kong makabalik agad doon." HEIR APPARENT TO KATRINA. Ukol naman sa kanyang showbiz career, itinanggi ni Iwa na siya ang tagapagmana ng koronang iniwan ni Katrina Halili bilang numero unong kontrabida ngayon sa Kapuso Network. Siya kasi ang magiging tinik sa buhay ni Heart Evangelista sa bagong fantaserye ng GMA-7, ang Luna Mystika. "Huwag naman pong numero unong kontrabida sa GMA-7, kasi baka ma-pressure ako!" nakatawang sambit niya. "And alam naman natin na walang makatatalo kay Katrina pagdating sa pagiging kontrabida. Pero gagawin ko po ang lahat para yung expectation naman ng tao ay hindi mabigo. "Actually, si Katrina ang nagtuturo sa akin even before. Noong nagkasama kami sa Magdusa Ka, siya ang nagsasabi sa akin ng dapat kong gawin at hindi dapat. Talagang gina-guide niya ako kung paano ang tamang pag-atake at kung paano magiging magaling na kontrabida." Ngayong siya na ang mang-aapi kay Heart, paano kayang atake ang gagawin niya? "Idol ko si Heart even before na hindi pa ako artista," sabi niya. "Napapanood ko na kasi siya bago pa man ako sumali sa StarStruck. Nag-usap kami beforehand kung paano ko siya aapihin. Sinabi niya sa akin na huwag akong mangimi kung kailangang sampalin ko siya para maging makatotohanan ang role na ginagampanan namin, at para maging maganda na rin ang soap namin." Sinabi rin ni Iwa na kuntento na siya sa pagiging kontrabida. "Okey na ako sa takbo ng career ko. Masaya ako sa anumang role na ibinibigay sa akin ng GMA-7. Ayokong ako ang maging bida dahil ayokong ako ang mamaga ang mukha! Mas gusto kong ako ang nagpapamaga ng kanilang mga mukha!" tawa niya. "At kapag bida kasi," patuloy ni Iwa, "kailangang umiyak ka nang umiyak, mamamaga ang mata sa kaiiyak. At saka ang expectation, ganoon kataas, mahirap. "Samantalang kapag kontrabida ka, hindi ikaw ang sasampalin, ikaw ang mananakit at puwede ka pang gumawa ng sariling attack. At kahit anong drama at pare-parehong kontrabida ang role na naibibigay sa akin, hindi ko naman iniisip na pare-pareho lang âyon. May pinanggagalingan pa rin naman akong iba para maka-atake ako ng kakaiba pa rin." - Philippine Entertainment Portal