ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Marky Cielo finally laid to rest


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihatid na sa kanyang huling hantungan ang yumaong batang aktor na si Marky Cielo kaninang hapon, December 15, sa bakuran ng kanilang tahanan sa Sinto, Bauko, Mountain Province. Dumating ang mahigit sa limandaang katao, kabilang na ang mga kamag-anak, kaibigan, at mga tagahanga ni Marky, sa libing ng nag-iisang StarStruck Ultimate Sole Survivor. Ayon sa report ni Nelson Canlas para sa 24 Oras, bago ang libing ay isa munang misa ang isinagawa sa kapilya malapit sa bahay nina Marky. Pagkatapos ng misa ay nagsalita ang ina ni Marky na si Mrs. Midlred Cadaweng upang pasalamatan ang napakaraming nagmamahal sa kanyang anak. Nagsalita rin ang action superstar na si Robin Padilla, na nakasama ni Marky sa TV series na Asian Treasures at sa pelikulang Till I Met You. Kinilala ni Robin ang kontribusyon ni Marky sa showbiz. May usapin na rin daw sila na kapag nagretiro si Robin ay si Marky na ang papalit sa kanya bilang action star. Ayon kay Robin, pagkatapos manalo ni Marky sa StarStruck ay ipinahanap niya na raw ang binata dahil pareho silang "highlander." Kung si Marky ay taga-Mountain Province, si Robin naman ay lumaki sa Baguio. Bukod kay Robin ay namataan din ang mga kasamahan ni Marky sa StarStruck na sina Jan Manual, Stef Prescott, Rich Asuncion, at LJ Reyes. Naging madamdamin naman ang mismong libing ni Marky, bagamat tahimik lang ang pagluha ng mga taong nagmamahal sa kanya. Nakasuot ng kulay green na damit ang pamilya ni Marky. Ang green ang kulay ng costume noon ni Marky sa fantaserye na Zaido: Pulis Pangkalawakan. Pagkatapos ng libing ay tinipon muli ni Mrs. Cadaweng ang mga kaibigan ni Marky upang magpasalamat sa kanila. "Bahay niya rin yung GMA. Bahay niya rin yung bahay n'yo. Naging kayo yung kanyang mga kaibigan," saad ng ina ni Marky. Naikiusap din ang ina ni Marky na tigilan na ang mga espekulasyon tungkol sa maagang pagkamatay ng kanyang anak. "Hindi na siya artista, so sana tapos na rin siya sa kanyang public service. Hindi na rin siya makakasagot. Hinihingi ko na lang na papahingahin na natin siya," pahayag ni Mrs. Cadaweng. Sa murang edad na 20 ay binawian ng buhay si Marky sa kanilang tahanan sa Antipolo City noong December 7. Pagkatapos siyang tanghalin bilang Ultimate Sole Survivor sa StarStruck, noong 2006, napanood na siya sa iba't ibang palabas sa GMA-7. Kabilang na rito ang Encantadia, Fantastikids, Bakekang, Asian Treasures, Boys Nxt Door, Kaputol ng Isang Awit, at Codename: Asero. Pero mas kilala siya ng marami, lalo na ng mga bata, bilang si Zaido Green sa Zaido: Pulis Pangkalawakan. Bago sumakabilang-buhay si Marky ay mainstay siya sa musical-variety show na SOP at sa primetime series na La Lola. Maririnig din ang kanyang tinig bilang Ichigo Kurosaki sa anime na Bleach. Bagamat maikling panahon lamang ang inilagi ni Marky sa mundo at sa showbiz, napakaraming tao ang kanyang pinasaya. Kaya ganoon na lamang ang kanilang pagdadalamhati, maging ng mga taong hindi gaanong nakakakilala sa kanya. Ngunit dahil na rin sa kagandahang-asal na ipinakita niya, hindi lamang sa kanyang pamilya at mga kaibigan kundi maging sa mga nakatrabaho niya, mananatili ang lahat ng magagandang alaala na iniwan ni Marky. - Philippine Entertainment Portal

Tags: markycielo