ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Jana Roxas admits past relationship with Alfred Vargas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Balik-acting ang StarStruck 3 avenger na si Jana Roxas sa Ikaw Sana na pinagbibidahan nina Mark Herras at Jennylyn Mercado. Matagal-tagal ding nawala sa showbiz ang aktres dahil kinailangan daw muna niyang magpapayat. Ngayon, naka-lose na siya ng 20 lbs at unti-unti nang bumabalik sa dati niyang figure. Sa katunayan, nilapitan na siya ng most widely-read men's magazine na FHM para mag-pose sa cover. Pero ang sabi niya sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nitong Martes during the press launch of Ikaw Sana sa direksyon ni Joel Lamangan, kailangan pa raw niyang mag-lose ng ilan pang pounds. Sa height daw niyang 5'4" ay nabibigatan pa rin sa weight niyang 110 lbs. If ever matuloy ang kanyang sexy pictorial, may limitations ba siya? "May limitations pa rin po pero depende sa kung hanggang saan ako papayagan ng GMA Artist Center na mag-pose nang sexy. Susunod lamang ako sa kanila," nakangiting sagot ni Jana. "Siguro, mas practical na ako ngayon since I've just turned 19 na rin po." Sa unang pagkakataon, nagkaroon na rin ng chance ang PEP na linawin kay Jana ang naging issue noon sa kanila ng dating napabalitang boyfriend na si Alfred Vargas. Nag-isip muna ito kung sasagot siya, pero kinulit na rin siya ng iba pang entertainment press kaya napakuwento na rin ang budding star ng GMA-7. Panimula niya, "Nagkakilala po kami sa isang show. Niligawan niya ako at dahil mabait siya, very sweet, parang siya na ang nagturo sa akin how to grow—kasi eighteen pa lamang ako noon. At panatag (naman) ako kapag kasama ko siya, (kaya) naging kami na. Wala po naman kaming usapan na itago ang relasyon namin, lumalabas kaming magkasama." Sinegundahan ng ilang reporters ang kuwento ni Jana at sinabing madalas silang makitang magkasama noon, hinahatid pa nga raw siya nang maaga sa gym, at alam nilang may relasyon sila. Natawa lamang si Jana sa mga narinig. Iyon ay dahil sa noong ibinalita ang relasyon nila, hindi niya inaasahan ang naging takbo ng mga pangyayari. Pagbabalik-tanaw niya, "Tumagal din po ng eight months ang relasyon namin, until lumabas ang issue at ininterbyu ako noon ng Showbiz Central. Inamin ko ang aming relasyon pero nag-guest din siya sa show, napanood ko at nag-deny siya na may relasyon kami. Kaya iyong interview sa akin ng show, hindi na nila ipinalabas kasi nga nag-deny na siya. Hindi na rin ako nagsalita kahit may mga humihingi ng interview sa akin." May closure ba ang kanilang relasyon? "Nagpaalam po lamang siya sa akin noon na gusto raw niyang hanapin ang sarili niya. Hindi ko po alam na may iba na pala siyang girlfriend noon. Hindi na po siya nagpaalam nang maayos, basta na lamang siya nawala," sagot ni Jana. Nasaktan daw siya sa mga nangyari at mga ilang buwan din niya itong iniyakan. "Sobra po. Ang sakit po sa akin noon na idini-deny niya ako. Naapektuhan din po ang mommy ko, naging close kasi sila. Pumupunta po siya sa amin sa Tarlac noong kami pa. Siguro po, mga three months din bago ako tumigil sa pag-iyak, tuwing maalaala ko ang nangyari sa amin," kuwento pa ng young actress. Pero dagdag ni Jana, "Naka-move on na rin po ako, and I'm happy na rin for him. Nakita ko na po ang girlfriend niya sa Facebook niya." Isang kasamahan sa press ang nagbiro kay Jana, paano kung humingi ng tulong sa kanya si Alfred sa pangangampanya nito para sa election this 2010? Hindi kasi kaila na kakandidato bilang councilor ng Quezon City ang 27-year old actor. Sagot ni Jana, "Okey lang po iyon. Tumawag siya sa akin noong birthday ko, August 22, at binati ako. Natatandaan po niya iyon dahil pareho ang birthday namin ng mommy niya." May boyfriend na ba siya ngayon? "Wala po. Dalawa pa lamang naman ang naging boyfriend ko, si Bugz Daigo, iyong kasama ko sa StarStruck 3, at one year ding tumagal ang relasyon namin. Si Alfred na po ang sumunod," ayon sa aktres na mas gusto na raw na hindi taga-showbiz ang susunod na nobyo. – Nora Calderon, PEP