ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Katrina Halili ready to face Hayden Kho in court


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Halos kasabay ng birthday ni Katrina Halili last January 4 ang pagsampa sa korte ng kasong inihain niya laban kay Hayden Kho. Kaya itinuturing ng aktres na "birthday gift" ito para sa kanya. "Opo, siyempre naman, ‘di ba? Masaya din ako kasi nangangahulagan lang na may kaso talaga. Tsaka ang haba ng mga nilakad ko sa kaso, ‘di ba? Nag-PRC [Professional Regulation Commission], nag-PMA [Philippine Medical Association] ako, nag-DOJ [Department of Justice], nag-Senate pa ako. Tapos lahat yun, ikukuwento mo isa-isa. Tapos lahat yun, tatanungin ka. Nakakapagod yun. Pero at least, may mga nangyayari sa ginawa ko," pahayag ni Katrina sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). Paano at kailan niya nalaman na isinampa na sa korte ang kaso na inihain niya laban kay Hayden? "Nalaman ko, tumawag sa akin yung Papa ko. Tapos attorney ko, tumawag. Yun nga raw, may kaso. Kaya lang, natunugan 'ata ni Hayden agad kaya hindi ko siya naposasan... Hindi, joke!," biro niya. Pero dugtong niya, "Well, sana lang nakulong siya. Kaya lang nakapagpiyansa siya agad. Kahit one hour lang. Ma-piktyuran ko lang sana siya." Nag-voluntary surrender kasi si Hayden at agad nakapag-post ng P20,000 bail kaya nakaiwas ito sa pag-aresto. HAYDEN BEHIND BARS. Firm pa rin talaga si Katrina sa pagnanasa niyang makulong si Hayden dahil sa pagkuha nito ng sex video nila na kumalat sa Internet. "Siyempre po, sana makulong siya para po sa mga nagawa niya. Kasi sa lahat ng mga nagawa niya, parang puro ano... Huwag na lang, baka ma-quote-unquote ako na mayabang. Kasi, parang sa tingin ng tao, siya yung kawawa, ganun," bitin na sabi ni Katrina. Ganun pa rin ba kataas ang level ng galit niya kay Hayden? "Opo, pero ginagawa ko lang po ito para hindi siya gayahin ng ibang tao," paliwanag niya. "Para matuto po yung ibang tao na huwag gawin yun, yun po. Kasi yung sa akin, kaya ko na siyang patawarin. Kung sincere siya na hihingi ng tawad, papatawarin ko. "Itutuloy ko yung kaso para hindi na ito maulit. Kasi kung ganun lang mangyayari, e, di lahat ng tao magugulat na lang kayo, yung mga anak ninyo, mga pamangkin ninyo, na-video na diyan ng kung sinu-sino. Kung hindi man sex video, mamaya may nagtatago ng hidden cam. At least, sa paglabas ko, kahit papano, nakatulong din sa atin, na nakatulong din sa ibang tao na warning na para gawin yun," paliwanag niya. Nung dumaan ang Pasko, naisip ba niya na patawarin na lang si Hayden at ipasa-Diyos na lang ang lahat? "Mahirap po kasing magpatawad sa isang tao na hindi humihingi ng tawad, di ba?" sagot niya. "Hindi ko naisip yun kasi hindi naman siya humihingi ng tawad, e. At ano kasi, puro trabaho lang inisip ko. Iniisip ko na lalabas na yung warrant of arrest. Yun ang iniisip ko nung Christmas. Kaso, napahaba pa nung Christmas. Pero lumabas naman." FIRST HEARING. Nakahanda na ba siya sa unang pagdinig ng kaso niya, Violation of R.A. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children, laban kay Hayden sa korte? "Siyempre po. Pero sa totoo po, ayoko po talaga. Tsaka hindi ko kaya. Mahina ang loob. Nilalakasan ko lang ang loob ko kasi ano, e, kailangan kong tapusin [ang laban]. Iniisip ko na lang po, tutulungan ako ng attorney ko, family ko, and siyempre si God, pray. Wala namang ibang makakatulong sa akin kahit ibang tao, sarili ko lang. "Pero kahit paano, alam ko po na iba kasi kapag nasa korte na kami magharap. Kasi hindi ko alam kung yayabangan pa rin niya ako. Kasi sa tuwing magkikita kami, lagi niya akong niyayabangan. Laging masama ang titig niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit. Yun nga po ang nakakaloka," patuloy ng aktres. "So, paano mo patatawarin ang taong ganun? Ang sama ng tingin sa 'yo. Para siyang babae. Parang nagtataas ng kilay. Bakla ba siya? Joke! Kasi wala namang lalakeng ganun. Kung lalake siya, hindi ka na magsasalita ng kahit ano, kahit may kasalanan ka, di ba? "Parang ang ano, 'Okey lang 'to, malalampasan ko 'to.' Tsaka kung manalo po siya sa kaso... Ako po kasi siyempre, hindi ko po hawak yung ano, di ba? Wala naman akong hawak na maraming pera. Pinaglalaban ko lang ang sarili ko. "Manalo, matalo, haharapin ko yung kaso ko. Ayos lang sa akin. Mahalaga lang sa akin na ipagtanggol ko ang sarili ko, na ipaglaban ko ang sarili ko. Alangan namang itinulak niya ako, dinuruan niya ako sa mukha, ganun na lang, hayaan ko siya? So, ipinaglalaban ko lang ang sarili ko," mahabang pahayag ni Katrina. Ano ang inaasahan niyang mangyayari ngayong naka-one step forward na siya sa kasong isinampa niya kay Hayden? "Siyempre, sana po may mangyari sa ipinaglalaban ko. Tsaka ako po kasi, ang gusto ko po talaga, malaman niya ang pagkakamali niya. At saka huwag siyang tularan ng ibang tao. Malaman po niya yung mali niya, tapos magsisisi siya. Ngayon po, yung makulong, yung korte na lang po ang magdedesisyon kung ikukulong siya. "Ako, malaman lang niya at ma-realize niya. Kasi hanggang ngayon, hindi pa niya nare-realize. At i-clear ko ulit, kasi ako na naman ang lumalabas na mayabang. Hindi po ako nagyayabang. Ipinaglalaban ko lang po ang sarili ko at saka wala naman akong sinabi na malinis akong tao at saka mabait at wala akong kasalanan. May kasalan po ako at hinaharap ko yun. Ipinaglalaban ko lang ang sarili ko," pagdiin ni Katrina. HAYDEN-VICKI RECONCILIATION. Ano ang reaksiyon niya sa pagbabati nina Hayden at Dra. Vicki Belo? "Nag-sorry naman kasi siya [Hayden] sa mga taong yun, di ba? So, ayun. Hindi siya humingi ng tawad sa akin," sagot ng aktres. Patatawarin ba niya si Hayden kapag humingi ito ng tawad sa kanya? "Kapag humingi siya ng tawad, oo naman po. Tao lang naman po ako. Pero siyempre, itutuloy ko po yung kaso," paglilinaw ni Katrina. Pati mga anak ni Dra. Belo na sina Cristalle at Quark Henares ay napatawad na rin daw si Hayden. Ayon pa kay Cristalle, baka hindi lang bukas ang mata at tenga ni Katrina kaya wala siyang ibang nakikita o naririnig. Ano ang reaksiyon niya rito? "Yung mga nagsasabi naman po na mga ganyan na tao, e, yung ibang tao. Pero, di ba, si Hayden, parang wala naman? Parang hindi naman siya sincere." Pakiramdam ba niya ay nag-iisa na lang siyang tumutugis sa mga ginawa ni Hayden? "Minsan po," sagot ni Katrina. "Kasi nung lumabas po yun, nung inisip ko pa lang na lalaban ako, wala naman akong inisip na kasama, e. Basta sinabi lang ng tatay ko at attorney ko na, 'Kung gusto mong lumaban, nandito lang kami sa likod mo parati. Pero alam mong ikaw lang talaga 'yan.' So, sabi ko, oo." OTHER PEOPLE INVOLVED. Ayaw namang mag-comment ni Katrina sa dalawang kaibigan ni Hayden na nasangkot din sa uploading ng sex video nila ng dating cosmetic surgeon. "Isa pa lang kasi ang isinampa namin na case sa DOJ, yung kay Hayden," aniya. "Pero yung uploading, wala pa. Pero pinaayos na po ng DOJ. Ni-request ng DOJ na imbestigahan pa nang malalim yung uploading. So, may mga taong sampu po doon. Ayoko pong mag-comment sa mga taong yun. Kasi, di ba? "Pero hindi pa rin po ako tapos, like yung sa mommy ni Hayden [Mrs. Irene Kho], libel po. Sa DOJ, inakyat pa po siya. Siguro, hindi ko sure kung next week or ano, basta lalabas na rin po yun. So, hindi pa po ako tapos doon. Pero ngayon, concentrate muna ako sa kaso ko." What about si Lolit Solis? Nagkausap na ba sila? "Hindi po. Hindi rin kami nagkikita. Hindi ko naman po kaaway si Nanay Lolit. Konting iwas lang kasi marami akong ano, e... Siyempre mahirap pong ano dahil may case ako at nasa isang circle of friends sila kaya mahirap," sabi ni Katrina. - Trisha Alvarez, PEP