ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Lovi hopes bloody hostage drama won't affect Rep. Singson case in HK


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Very flattered ang 21-year-old na si Lovi Poe nang malaman na isa siya sa mga hinahangaang young actress ng aktor na si Mark Anthony Fernandez. Bago kasi magsimula ang presscon proper ng romantic-comedy na "Say I Do"—ang pinakabagong episode ng Sunday afternoon program na Lovebug—nung Martes, August 24, sa Executive Lounge ng GMA Network Center sa Quezon City, ay sinabi ni Mark sa harap ng ilang entertainment reporters na sina Lovi at Jennylyn Mercado ang matagal na niyang "napupusuang" makatrabaho. Nangyari na nga ang kahilingin ni Mark dahil itinambal siya ng GMA-7 kay Lovi sa "Say I Do," na magsisimula nang mapanood sa Linggo, August 29, pagkatapos ng Party Pilipinas. Nung araw ng presscon ay nakakaisang shooting day pa lang ang nasabing programa kaya premature pa para husgahan ang onscreen chemistry ng dalawang bida. Ganun pa man, hindi nakaligtas sa atensiyon ni Lovi ang pagiging maginoo ng katambal sa mga katrabaho nito. "Nakakatuwa siyempreng malaman na gusto niya akong makatrabaho," nakangiting pahayag ni Lovi sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Nakakakaba din kasi matagal na si Mark na artista and marami na rin siyang nakatrabaho na magagaling. I feel nervous in a way, but at the same time, it's also a great challenge to work with a good actor. Sa set, so far sa nakita ko, very maalaga siya at maasikaso." KNOWING HER LIMITS. Marami ang nakakapansin lately na kumportable si Lovi magsuot ng sexy outfits. Sa presscon nga ng "Say I Do" ay nakasuot ang dalaga ng maikling floral blouse with matching plunging neckline. Mukha namang hindi naiilang si Lovi kaya marami tuloy ang nagtatanong kung senyales na ba ito na willing na siyang magpa-sexy sa harap ng camera. "Hindi naman," paglilinaw ni Lovi. "Nagkataon lang siguro na ganito ang damit ko ngayon. But yes, siguro I can wear clothes na masasabing sexy, but not too much. Hindi rin naman conscious effort on my part to wear something sexy or to change my image." Okey lang ba sa kanyang rumored boyfriend na si 1st district Ilocos Sur Representative Ronald Singson kung magpaka-daring siya kahit man lang sa pananamit? "No one can tell me naman what to do," seryosong tugon ni Lovi. "I know my limitations when it comes to myself." LINK TO RONALD SINGSON. Speaking of Ronald, marami pa rin ang nagtatanong kung ano nga ba talaga ang tunay na estado ng relasyon ni Lovi sa anak ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson. Matagal na rin naman kasing nali-link ang dalawa at makailang beses na rin silang nababalitaang nakikitang magkasama sa loob at labas ng bansa. Wala namang naririnig na direct confirmation galing mismo sa magkabilang panig na magpapatunay sa sinasabing romantic involvement nila sa isa't isa. Naging laman ng mga pahayagan kamakailan si Ronald—na kilala rin sa showbiz circuit bilang concert producer at promoter—matapos itong makulong sa Hong Kong dahil nahulian ito ng cocaine sa Chep Lap Kok International Airport noong July 11, 2010. Nung August 19 ay pinayagan si Ronald ng Hong Kong Court na makapagpiyansa ng kabuuang halagang HK$2 million kapalit ng pansamantala nitong paglaya. Naghain ang kongresista ng "guilty" plea sa korte kaya daw ito pinayagan na makapagpiyansa. Sa September 7 nakatakda ang arraignment ng drug trafficking charges laban sa 41-year-old congressman. SUPPORTING RONALD. Present si Lovi at si Gov. Chavit Singson sa korte nung araw na ibinaba ang desisyon na nagsasabing pinapayagan si Ronald na makapagpiyansa. Nang mag-guest si Lovi sa Showbiz Central noong August 22 ay sinabi niya na personal siyang tumungo ng Hong Kong para suportahan si Ronald bilang isang kaibigan. Sa presscon ng "Say I Do" ay kinumusta ng PEP kay Lovi si Ronald at ang pakiramdam nito sa gitna ng kasalukuyang pinagdadaanan. "Well, he's the only one who could answer how he can describe his experiences," sagot ni Lovi. "But for me, siguro, I see it na parang I'm happy that he's strong." Patuloy pa rin daw ang kanilang komunikasyon sa isa't isa: "It's still there and hindi naman mawawala 'yon ng ganun-ganun na lang. He knows naman how much I support him." Umaasa rin daw si Lovi na sana ay hindi makaapekto sa kaso ni Ronald ang nangyaring hostage drama dito sa Pilipinas. Nangyari ang malungkot na insidente noong Lunes, August 23, sa Quirino Grandstand sa Maynila, kung saan walong Hong Kong nationals ang namatay matapos na ma-hostage ng isang dating pulis ang tourist bus na kanilang sinasakyan. Dahil sa nangyari ay nagpalabas ng top-level black travel alert ang pamahalaan ng Hong Kong laban sa Pilipinas. May mga grupo din na nagprotesta sa harap mismo ng opisina ng Philippine consulate-general sa Hong Kong para iparating ang kanilang pagkadismaya sa nangyari. "I hope not," malungkot na pahayag ni Lovi sa PEP. "Sana hindi naman makaapekto sa kaso niya [Ronald] 'yong nangyari. I'm hoping and hindi naman siguro makitid ang utak ng mga tao na magdya-judge dun sa case niya." Sa huli ay tinanong ng PEP si Lovi kung naaapektuhan ba siya ng mga lumalabas na negative criticisms tungkol sa kanya, kaugnay pa rin sa diumano'y patuloy niyang pagtanggi sa tunay na relasyon nila ni Ronald. "Siguro hindi ko naman mapipigilan kung ano ang reaksiyon ng ibang tao for me. As long as me, myself, I'm handling it well, even though people would see it otherwise. As long as I think I'm doing okay, 'yon lang naman 'yong mahalaga," sagot ni Lovi. - Bong Godinez, PEP