ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PEP: Regine on being married to Ogie: 'Parang mas in love pa ako!'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Regine Velasquez-Alcasid na ang ginagamit na opisyal na screen name ng Asia's Songbird ngayon. Ikinasal si Regine sa singer-songwriter-comedian na si Ogie Alcasid noong December 22, 2010 sa Nasugbu, Batangas. Ayon kay Regine, sarili niyang desisyon ang pagdadala ng apelyido ni Ogie sa kanyang pangalan. "Ako naman ang nagsabi nun, e. Una sa lahat, siyempre proud ako. I want to carry his name. "Hindi ko naman tinanggal yung Velasquez—I'm Regine Velasquez-Alcasid!" pagmamalaki ng Asia's Songbird sa presscon ng kanyang bagong romantic-comedy series sa GMA-7, ang I ♥You Pare. Ginanap ang presscon sa Boiler Room sa Riverbanks, Marikina City, gabi nitong Martes, January 31. Unang ginamit ng Asia's Songbird ang Regine Velasquez-Alcasid sa kanyang pagbabalik sa Sunday musical-variety show na Party Pilipinas two weeks ago. Maging dito sa I ♥You Pare ay ganoon na rin ang pagpapakilala sa kanya. "Actually, hindi niya alam na sa soap din ganyan," banggit ni Regine sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media. NO ADJUSTMENT NEEDED. Bagamat mahigit isang buwan pa lamang kasal sina Regine at Ogie, ayon sa singer-actress ay wala na silang naging adjustment. Ito ay dahil matagal na silang nagsasama bago pa sila ikasal. Aniya, "Kasi as soon as we got engaged, just a few months, we lived together na, e. But we were already engaged... "Kasi, we were really planning to get married. He really wanted to marry me. Kaya lang, nung time na 'yon, we were still waiting for something. So, finally dumating na 'yon, so we got married." Ang tinutukoy ni Regine ay ang annulment ng kasal ni Ogie sa una nitong asawa na si Michelle Van Eimeren dito sa Pilipinas. Patuloy ng Asia's Songbird, "Ako, happy ako na we decided to live together first. Kasi, parang yun yung adjustment. Lahat ng kailangan naming malaman sa isa't isa, nalaman namin.... "Actually mga three years 'yon, mga gano'n. After no'n, ang saya-saya lang. Parang honeymoon stage kami forever." Wala nang gulatan? "Wala na," sagot ni Regine. "Feeling ko lang, parang mas... Ang saya-saya kasi parang mas in love pa ako! Nakakatawa nga kami kasi parang walang masyadong nabago. Para kaming mag-boyfriend-girlfriend pa rin, pero mas malalim na do'n." Mas gumuwapo si Ogie sa paningin niya? "Forever naman siyang guwapo sa akin!" tawa ni Regine. Hindi na sila nagkakaroon ng tampuhan? "Normal naman 'yon," sambit ni Regine. "Ang napansin ko, ever since we got married, he's more... kasi he's really sensitive naman, e. Pero parang mas conscious siya... "Parang mas lagi niyang tinitingnan kung okay ako. Nata-touch naman ako." HAPPY WIFE. Bukod sa nabawasan ang kanyang timbang ay kapansin-pansin ang maaliwalas na mukha ni Regine. Isang senyales na masaya ngayon ang Asia's Songbird. "That's because I am really happy," nakangiti niyang sabi. "Siyempre, kasi mas wala akong stress. Wala na akong iniisip. I just have to concentrate on what I'm doing now. I mean, di ba, ito na nga yung pinapangarap n'yo for us? Maski nga kayo pangarap n'yo 'to sa amin, e! "A lot of people are very happy for us, siyempre lalo na ako. Lalo na kaming dalawa." Pero sa kabila nito ay medyo nalulungkot si Regine ngayong nagtatrabaho na siyang muli. "Kasi parang I still don't get to see him [Ogie] as much as I would want to. Kasi busy na ulit ako, e. Hindi kagaya nung after the wedding, talagang we were just together the whole time. We were so happy," saad niya. Nagbago ba ang priorities niya mula nang ikasal siya? "Siyempre ganun naman talaga... Although sa ngayon nga, hindi siya yung nagiging priority ko dahil may trabaho ako. Buti na lang very understanding ang asawa ko." Ayon pa kay Regine, may usapan na sila ni Ogie na pareho silang magpapahinga pagkatapos ng kanilang mga naunang commitments. "Bago pa kami nagpakasal, tinanong ko siya, 'Okay lang ba na I'm still contracted with three more shows? Tapos yung isa [I Heart You Pare] dadating na, na gagawin ko 'to before we get married. Pag mag-asawa na tayo, meron pa 'tong remnant.' Okay lang daw. "At saka, every now and then, I talk to him. I tell him na... Sometimes I apologize kasi hindi ko siya naaalagaan. But he's very understanding. Minsan magda-drama lang 'yan, 'Oo nga kawawa naman ako.' Pero hindi siya ano talaga, he's okay." Lalo na siguro pag may baby na sila? "Sabi niya sa akin pag may baby na, mahihirapan talaga ako. So, sa ngayon na wala pang baby at puwede pa akong magtrabaho, at ina-allow naman ako ng asawa ko... "Pero siyempre, nag-iingat din ako kasi ayoko din naman yung feeling niya na I'm taking him for granted. As much as I can, pag may time, may oras, I try to really make him lambing, I try to cook for him, I make him alaga. Plus, I talk to him. I tell him talaga na...nag-a-apologize ako sa mga oras na wala ako sa bahay. "Kasi hindi naman puwedeng i-assume ko lang na porke't itong week na 'to okay siya, next week okay siya. Hindi ba, nagbabago naman ang moods natin, kahit lalake? I have to let him know na 'Naiintindihan ko naman, alam ko naman. So, pasensiya na, nagtatrabaho lang ako.'" - Erwin Santiago, PEP