We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Tila walang katapusan ang aberyang inaabot ng pelikulang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story. Mula sa muntikan nang hindi pagpasok nito bilang isa sa mga entries ng 2011 Manila Film Festival, hanggang sa matinding di pagkakaunawaan ng direktor na si Tikoy Aguiluz at ng lead star na si Jeorge "ER" Ejercito, ngayon naman ay planong idemanda ni ER ang SQ Film Laboratories. Ang SQ Film Laboratories, ayon sa website nito, ay ang "oldest film processing company" sa bansa. Ang reklamo ni Jeorge, "Ako'y nalulungkot dahil nung first day ay parang nasabotahe po kami. "Out of 51 theaters ay 17 theaters lang kami naipalabas. "Unfortunately, itong SQ Laboratories, ang na-print lang nila ay para sa 17 theaters sa Metro Manila." Dahil dito, malaking halaga raw ang nawala sa gobernador ng Laguna, na siya ring major producer ng Asiong Salonga. Aniya, "Kaya naapektuhan po ang kita ng pelikula. Milyon po ang nawala. "May balak po kaming mag-file ng demanda sa SQ Laboratories. "Dahil hindi nasubmit ang mga prints namin nung first day sa tamang oras. "Biro mo, out of 51 theaters, sa 17 na sinehan lang kami naipalabas? "Kaya we are filing a case against SQ Laboratories owned by Angelo Santos." Nagbigay rin ng pahayag ang publicist ni ER na si Jobert Sucaldito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kagabi, December 29, hinggil sa plano ni ER. Ani Jobert, "Gov and the producers are definitely going to sue SQ. They are now talking to the lawyers." May certificate of agreement daw kasing pinirmahan sa kanila ang SQ na naggagarantiya na ide-deliver ang prints ng pelikula sa Disyembre 23, Biyernes. "Pero December 25 na, after lunch dumating ang prints ng Asiong Salonga, para lamang sa 17 theaters. Noong Lunes, December 26, na raw nakumpleto ng SQ ang nalalabi pang prints para sa dapat sana'y 51 theaters na paglalabasan ng Asiong Salonga. Ang kuwento pa ni ER tungkol sa MMFF box-office results, "Masama po ang naganap na trending sa first day. Mabuti na lang at sa second day, naka-pick up po kami. "Alam niyo, kaya po kami nag-produce ng pelikulang ito...ako ay nagpapasalamat sa Viva Films at sa Scenema Concept International... "Unang-una, para makatulong sa napakaraming walang trabaho sa industriya ng pelikulang Pilipino. "Pangalawa, para makagawa ng quality film. "Pangatlo, para maibalik ang sigla ng action films dito sa Pilipinas...para maipagmalaki ang pelikulang Pilipino sa buong mundo. "Ako'y nalulungkot nga dahil nagkaroon ng problema sa first day. "Pero I hope maka-pick-up po kami sa mga susunod na araw." Pinaghirapan daw nila ang pelikulang ito, kaya naman tuwang-tuwa ang actor-politician noong binigyan ang pelikula ng gradong Rated A ng Cinema Evaluation Board (CEB). Dugtong ni ER, "Hindi tinipid, quality film, graded A by the CEB, forty days ang aming shooting." PROBLEM WITH THE DIRECTOR. Bago naganap ang awards night noong December 27, sinabi ng bida ng Asiong na sana ay humakot ng awards ang "pelikulang ginawa ni Tikoy." Nagkaayos na ba sila ng direktor na nagpatanggal ng kanyang pangalan sa film credit? Matatandaang nagkaroon sila ng samaan ng loob dahil nag-reshoot ng ilang eksena at nagre-edit ang producers ng Asiong nang hindi nagpaalam o humingi ng pahintulot kay Tikoy. Ang sagot ni ER, "I hope makaumpisa na kami ng shooting ng El Presidente by February of 2012." Si Tikoy Aguiluz din ang direktor ng susunod na pelikula ni ER. Dagdag nito, "Dahil naghihintay na si Ms. Nora Aunor." Si Nora ang gaganap bilang unang asawa sa proyektong tungkol sa buhay ni Emilio Aguinaldo. "Nawa'y magkaayos na kami ni Direk Tikoy para makapag-umpisa na kami ng shooting. "Dahil ang playdate nito, June 12, e. Sa Independence Day." HOPING FOR A BETTER 2012. Bago tuluyang pumasok sa loob ng Newport Performing Arts Theater, ang venue ng awards night, nasabi ng gobernador ng Laguna na sana'y mas magandang taon para sa kanya ang 2012. "Sa Bagong Taon, well, kasama ko ang buong pamilya sa Laguna. "Siyempre, magpapaputok para matanggal ang lahat ng hindi maganda, at maganda ang maging feng shui by 2012, ang Year of the Dragon. "I hope na sa dami nga ng hinakot naming awards ay mas lalong lumakas ang aming pelikula. "At makabawi kami sa unang araw na nasabotahe kami ng SQ Laboratories. Sana makabawi po kami. "Ngayon, from 17, balik kami sa 51 theaters na. Simula nung second day." STATEMENT FROM SQ FILM LABORATORIES. Dinenay naman ng SQ Film Laboratories ang mga alegasyon ni ER. Narito ang bahagi ng statement na ipinadala ng film-processing company sa media kahapon, December 29: "With all due respect to the Governor, we regret that the delay in release of prints was interpreted as sabotage, which we categorically deny. "We also categorically deny that there was, nor will there ever be, any connivance between SQ Film Laboratories and the other production companies involved in this festival." Para sa kabuuang panig ng SQ Laboratories, abangan ang susunod na artikulo rito sa PEP. -- Ruben Marasigan, PEP