We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Aminado si Aljur Abrenica na nami-miss niya ang tambalan nila ni Kris Bernal. Parehong galing sa reality-based artista search na StarStruck, sina Aljur at Kris ay nagsama sa maraming proyekto ng GMA-7. Wala raw lovelife ngayon ang young actress ngayon. Ano ang masasabi ni Aljur dito? “Oo, pero ang daming nanliligaw sa kanya. 'Pag nalaman ninyo [kung sinu-sino], tatalon kayo!" natatawang sabi ng binata. Sinu-sino kaya ang mga ito at boto naman kaya si Aljur? “Basta! Oo naman. “Basta!" ang muling sagot ni Aljur na natatawa. “Basta, nangako ako sa kanya na hindi ko ipagsasabi, e." Madalas pa rin daw silang nagkakausap ni Kris. “Oo naman. Kami naman ni Kris, wala namang pinagbago, ganoon pa rin, nag-uusap pa rin kami." Nagsasabi pa rin si Kris sa kanya kung sino ang mga nanliligaw sa kanya? “Oo. Kami kasi ni Kris, wala kaming… natutuwa ako kasi wala pa rin siyang sinisikreto sa akin. “Kung meron man, nahuhuli ko pa rin!" tawa na naman niya. Bakit niya hinuhuli? “E, siyempre curious ako, e. "Minsan si Kris kasi 'pag nagsasabi, minsan alam ko kung may tinatago pa yun, e. “Sa tagal ba naman naming nagsama… “Yung pinagsamahan kasi namin, talagang masasabi mo na para na kami talagang mag-syota… Hindi, joke lang! “Talagang close na close kami at wala kaming sikretong itinatago sa isa’t isa." So, nagsasabi rin siya kay Kris ng mga sikreto niya? “Oo naman! Tanungin ninyo siya, alam niya lahat." DESTINY. Bakit nga ba hindi nag-work out ang muntik na nilang naging relasyon noon ni Kris? “Yung sa amin? Papunta na doon, papunta na, kaso… “Masasabi siguro natin na hindi itinakda, 'tsaka hindi panahon. “'Tsaka pinag-usapan namin 'yan, e... pinag-usapan namin 'yan. “Mahaba e, basta ang nangyari, ang naaalala ko, 'eto ang magandang sinabi niya: ‘Bebs, ayokong magiging tayo, mas mahihirapan tayo.’ “’Pag nagkaproblema, parang Mark [Herras] and Jen [Jennylyn Mercado]. “Kasi nakakarinig kami na hindi sila nakakapagtrabaho nang maayos. “Sabi pa niya, ‘Siguro mas maganda kung magkaibigan na lang tayo.’ Siya ang nagsabi nun! “At nung sinabi niya yun, nirespeto ko yun. Sabi ko, ‘Sige!’ “Pero yung pagmamahal ko sa kanya, ganoon pa rin." Hindi kaya balang-araw ay maging sila pa rin? “Puwede, puwede, malay natin?" KRIS OR RHIAN? Ano ang mas gusto niya: ibalik ang team-up nila ni Kris o itutuloy ang loveteam nila ni Rhian Ramos? “Kahit anong mangyari, sa akin, okay lang. "Kung mababalik ako kay Kris, gusto ko, gusto ko talaga! “Kung tuluy-tuloy ang loveteam namin ni Rhian, okay lang rin sa akin. “Sa akin, kahit ano, depende... depende sa management yun kung ano ang gusto nila. “Pero ako kasi, kung ako ang tatanungin, sasabihin ko lang sa kanila, ako kahit ano, okay sa akin." “Oo naman!" ang mabilis na sagot ni Aljur Abrenica nang tanungin kung papayag siya kung sakaling si Rhian Ramos ulit ang maging leading lady niya sa next project niya. Nagkasama ang dalawa sa pelikulang My Kontrabida Girl na ipinalabas last month. HEART EVANGELISTA. Sino naman ang gusto niyang magiging kasunod na leading lady na hindi pa niya nakakapareha? “Si Marian [Rivera], Carla [Abellana], si Lovi [Poe], si Heart [Evagelista]! Si Kylie [Padilla]," banggit ni Aljur sa Kapuso actresses. Sino sa mga nabanggit ang gusto niyang maging leading lady niya agad? “Si Heart! Si Heart kasi, bata pa lang ako, crush ko na siya. “Alam niya yun. Lagi ko ngang sinasabi sa kanya, ‘Alam mo ba nung bata ako, ang tawag sa akin John Prats?’ “Kahawig ko si John Prats, e. Sabi niya, ‘hawig’ daw." Nakatrabaho na raw niya dati si Heart sa Luna Mystica pero hindi sila magkapareha—si Mark Anthony Fernandez ang leading man doon ni Heart. “Tikbalang ako doon!" tawa ni Aljur. -- Rommel Gonzales, PEP