ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alfred Vargas, posibleng tumakbong kongresista sa 2013 elections


Posibleng targetin ng actor-politician na si Alfred Vargas ang mas mataas na posisyon sa lokal na pamahalaan ng Quezon City sa darating na May 2013 elections. Mula sa kasalukuyan niyang posisyon bilang konsehan ng ikalawang distrito ng Quezon City, marami umano ang naghihikayat sa kanya na tumakbo nang kongresista sa susunod na taon. “Maraming nagpu-push sa akin, ‘yong mga tao may clamor na tumakbo tayo for Congress, for higher office," pahayag ni Alfred sa artikulong isinulat ni Nerisa Almo sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Biyernes. Sakaling tumakbong kongresista, makakalaban ni Vargas ang incumbent congressman ng 2nd district ng Quezon City na si Winston Castelo. Hindi pa naman daw nakapagdedesisyon si Alfred pero susundin niya ang magiging kahilingan ng kanyang mga nasasakupan. “October pa naman ‘yong filing (ng certificate of candidacy) so hindi muna natin masyadong iniisip. Pero mapagdedesisyunan din natin," pahayag niya. Unang sabak sa pulitika at nanalo si Alfred bilang konsehal noong 2010. Kasama niyang nanalo sa pagiging konsehal ng Quezon City ang iba pang celebrity na sina Roderick Paulate at Precious Hipolito-Castelo. Artista rin ang kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Herbert Bautista. - FRJ, GMA News