Pagdeklara kay Fernando Poe, Jr. bilang National Artist, pinagtibay ni Presidente Aquino
Pinagtibay ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang posthumous National Artist award sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. Inilabas ng Malacañang nitong Biyernes, July 27, ang Proclamation No. 435 na nagkukumpirma sa pagkakahirang kay FPJ bilang National Artist for Films noong 2006. Narito ang bahagi ng statement: “Pursuant to the authority vested in me by law, I Benigno S. Aquino III, President of the Philippines, do hereby confirm the declaration of Ronald Allan K. Poe a.k.a. Fernando Poe Jr. (Posthumous) as National Artist as conferred in Proclamation No. 1069, dated May 23, 2006." Naideklarang National Artist si FPJ noong 2006 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Subalit tumanggi noon ang asawa ni FPJ na si Susan Roces na tanggapin ang parangal ng Malacañang dahil sa galit niya sa dating pangulo. Matatandaan na naging mahigpit na magkalaban noong 2004 presidential election sina FPJ at Arroyo, na ngayo’y congresswoman na ng Pampanga. Isa si Susan sa mga nanawagan na mag-resign noon sa posisyon si Arroyo bilang presidente dahil sa akusasyong pandaraya sa eleksyon. Nang maupo bilang pangulo si PNoy noong 2010, nagpahayag ang pamilya ni FPJ na handa na nilang tanggapin ang National Artist award sa ilalim ng pamamahala nito. Namatay si FPJ, 64, pitong buwan matapos ang halalan noong 2004 dahil sa “thrombosis with multiple organ failure." -- Nerisa Almo, PEP