ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Chef Boy Logro declines offers to run for public office


Maituturing na pinakasikat na chef sa telebisyon ngayon si Chef Boy Logro, na host ng GMA-7 morning cooking show na Kusina Master. Dahil dito, aminado si Chef Boy na marami ang humihikayat sa kanya na pasukin ang pulitika. Aniya, “Marami po, even sa Davao. "Pero sabi ko, ‘Mahirap po yun. Leave it to the experts.’ “Kung ang expertise mo ay maging politician, knowledgeable ka of being a politician, you have to do that. “Pero kung sinasabi mo na ito ang natapos mo, nagkaroon ka ng konting pera, sumikat ka, pinasok mo ‘yan… parang nagbigti ka ng sarili mo. “Kasi, hindi mo alam ang ginagawa mo, hindi mo maha-handle nang mabuti ‘yan hangga’t mapariwara ka." Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Chef Boy sa taping ng Kusina Master sa Studio 6 ng GMA-7 kahapon, September 20. CHARITY WORK. Hindi ba siya makukumbinsi talaga na pasukin ang pulitika? “Ay, hindi po, ang gagawin ko na lang, kung politics ang pag-uusapan is to help people. Iyon naman yun." On his own, marami na rin daw natutulungansni Chef Boy sa Compostela Valley sa Davao. Kuwento ni Chef Boy, “Sa Davao po, sa aking bahay, sa farm ko, meron po akong cooperative. “I gave two million [pesos] na hindi ko po sinisingil. Parang puhunan doon. "Kasi, ten percent lang [tubo]. I built a church… Catholic church. “Not only sa akin, kasi lahat ng tao, very religious doon. “Ang bumibili po doon, mahihirap lang. May ten years na po yun. "So, ten percent lang ang aking tubo. "Yung tubo rin naman, sa kanila na rin. "Ibig sabihin, hindi ko hinihingi kung ano ang inilagay ko doon, sa kanila na yun. “Pero yung simbahan, ginagawa pa. "Siyempre, mahirap lang naman po kami. Pero konkreto yung church. “May ten years na rin po ang simbahan. Pero kapag natapos po ‘yan, napakagandang simbahan." SCHOLARSHIPS AND TRAININGS. Sa Cavite naman ay mayroon siyang culinary school na parang foundation na rin daw niya. “May scholars po ako. Kapag walang pera, every six months… diploma. “Meron akong apat na scholar. Yung mahihirap na, ‘O, sige, tagalinis ka.’ “After ng klase natin, sila yung tagalinis. Bago magsimula ang klase, linis ng CR [comfort room]. “Yung mga ginamit ng estudyante, linisin ninyo, proper place. "And then, afterwards, on-the-job training sila automatically sa Manila Pavilion. “After two months and a half, balik sila sa akin, sa restaurant naman for experience. “So, after almost one-year experience, sa Amerika naman, then sa luxury ship. "Maraming graduate sa akin na marunong na kaya pinag-aagawan." COMING HOME. Kahit busy na sa iba’t ibang schedules, buwan-buwan ay umuuwi pa rin daw si Chef Boy sa Davao. “Eroplano lang, two to three days, kasama ang wife ko. "So, we spent like twenty thousand. But you have to do that. Money is nothing. “At saka, kapag gumastos ka ng ganoon para sa simbahan, lalo kang daragdagan. “Parang talbos ng kamote. Habang tinatanggalan mo, dumarami. "Ganoon na lang ang buhay, hindi mo panghihinayangan. "Ipon ka nang ipon, wala rin naman. Hindi naman dadalhin sa langit—kung sa langit mapunta." EXTENDED SHOW. Ang cooking show niya na Kusina Master, na napapanood tuwing Lunes hanggang Biyernes ng umaga, na dapat ay isang season lang ay nakaka-walong buwan na. “Sino ba naman si Chef Boy para sumikat? E, sabi nila, sikat daw. “Hindi ba naman sa panaginip lang nangyayari ang isang bagay na ganoon at hindi ko rin alam na magiging ganito rin? “Pero mabait ang Panginoon na mabibigyan ka ng ganoon. “Parang hindi totoo, di ba? Elementary graduate, paano ka mag-explain, paano ka mag-perform? “At least, may workshop ka or skilled ka na marunong ka talaga sa ganitong anggulo." Sa October naman, ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez ang magkakaroon ng sariling cooking show bago ang Eat Bulaga! tuwing Sabado. Ayon kay Chef Boy, “Guest din ako sa kanya paminsan-minsan to support naman. Kasi hindi naman dapat araw-araw. “Kasi nga, meron po akong school kaya hindi po ako puwede ng Sabado. “Friday and Saturday, hindi ako pupuwede kaya hindi puwedeng pagsamahin lahat. “Sa eskuwelahan ko, mas malaki naman po ang kinikita ko kesa rito," pag-amin niya. -- Rose Garcia, PEP