Ai-Ai delas Alas, inaming may mga 'pinagdadaanan'
Sa concert ni Vice Ganda sa Smart Araneta Coliseum nitong Biyernes ng gabi, inamin ng batikang komedyante na si Ai-Ai delas Alas na marami siyang "pinagdadaanan." Kasama kaya rito ang napabalitang hiwalay na sila ng kanyang non-showbiz husband? Sa artikulong isinulat ni Nerisa Almo na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Sabado, sinabing naging kwela at makulit ang batuhan ng biro nina Vice Ganda, Ai-Ai at Paulo Avelino sa nasabing concert. Sa palitan ng kanilang biruan, nabanggit umano ni Ai-Ai kay Vice na: "Nag-guest na nga ako sa ’yo kahit ang dami kong pinagdadaanan, e. Umalis ka na. Huwag mo nang sabihin ‘yon." Ang tinutukoy ni Ai-Ai ay ang pangungulit ni Vice kung papaano niya dapat i-introduce ang komedyante. “Hindi mo ba ako i-introduce? Introduce mo ang number ko," hirit ni Ai-Ai kay Vice. “Sabihin ko? Ano gusto mo, the newlywed o ano…?," tugon ni Vice. Niyakap umano ni Ai-Ai si Vice at sinabing, “G*** naman ‘to. Huwag n’yo na anohin!” Sagot naman ni Vice, “Bakit, may gusto ka bang sabihin? Ito na ang pagkakataon.” Kasunod nito ay nakangiting itinulak umano ni Ai-Ai paalis ng stage sina Vice at Paulo para makapag-perform na siya. Naunang inilabas sa PEP Alert na umano'y paghihiwalay nina Ai-Ai at none showbiz husband nito na si Jed Salang. Napabalita na noong nakaraang Abril lamang ay nagpakasal (civil wedding) ang dalawa sa Las Vegas. Sa ulat ng PEP nitong Sabado, sinabing ilang oras makaraang lumabas ang PEP Alert ang tungkol sa umano'y paghihiwalay nina Ai Ai at Jed, nag-post ang komedyante ng isang Bible verse sa kanyang personal account sa Instagram (aiaidelasalas): “EXODUS 14:14… the Lord will fight for you and you only have to be silent… SA LAHAT PO NG MGA NAGMAMAHAL SAKEN… reg PEP ALERT IBIGAY NYO MUNA ANG PANANAHIMIK KO SA BAGAY NA ITO.. ako na mismo ang magsasabi pag ready na ako emotionally.. SALAMAT SA LAHAT NG SUPORTA AT PAGMAMAHAL NYO SA AKIN GOD BLESS EVERYONE!!” Sakabila nito, marami daw ang humanga kay Ai-Ai dahil itinuloy nito ang pagtatanghal sa concert ni Vice Ganda sakabila ng sinasabing "pinagdadaanan." -- FRJ, GMA News