ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Christopher de Leon, tapos na sa pulitika, ayon sa misis na si Sandy Andolong


Kabilang ang batikang aktor na si Christopher de Leon sa mga artistang kumandidato sa katatapos na eleksiyon pero hindi pinalad na manalo. Mula sa pagiging incumbent board member sa Batangas, inasinta ni Boyet (palayaw ni Christopher) sa katatapos na halalan ang mas mataas na posisyon bilang kongresista ng ikalawang distrito ng lalawigan. Ito na bale ang ikalawang kabiguan sa pulitika ng aktor na natalo rin sa kanyang unang pagtakbo sa posisyon ng bise gobernador ng Batangas noong 2007 elections. Basahin: Alamin kung kaninong bituin sa showbiz ang nagningning sa balota ngayong Eleksyon 2013 Nanalo naman siya nang tumakbong board member noong 2010 elections na ang termino ay matatapos ngayon June 2013. Kung tutuusin, maaari pa namang tumakbong board member muli si Boyet nitong nakaraang May elections pero pinili niya ang mas mataas na posisyon bilang kongresista. Sa artikulong isinulat ni Nerisa Almo sa Philippine Entertainment Portal (PEP), sinabi ng misis ni Boyet na si Sandy Andolong na madaling natanggap ng kanyang mister ang nakaraang pagkatalo. Katunayan, abala na raw muli si Boyet sa mga showbiz commitment. “Nobody’s really sad about [the loss],” sabi pa ni Sandy na kasama sa bagong Kapuso series na Anna Karenina. “Ang akin is, ang point of view namin ng mga anak ko, nanalo ka kasi you played the game fairly, e. “Hindi ka nakipagsabayan sa hindi dapat. Hindi ka kinain ng sistema,” dagdag pa ng aktres sa nasabing ulat ng PEP. Nang tanungin si Sandy kung itutuloy pa rin ni Boyet ang pagsabak sa pulitika, sinabi ng aktres na tila malamig na ang mister nang minsan nila itong napag-usapan. “The last time we talked about it, noong nasa Misibis Bay kami, I asked him. “Sabi ko sa kanya, ‘Are you going to run again? Kasi, I will tell you honestly,’ sabi kong ganun, ‘you’re too trusting and too honest to be in politics. And hindi ka game player, e.’ “Admittedly, okay naman sa kanya. Sabi niya, ‘Okay na ako.’” Masaya naman ang aktres sa desisyon ng mister dahil madadagan ang panahon nito para sa kanilang pamilya. Sa kabila nito, tiyak niya na tuloy pa rin naman ang pagtulong nila sa mga kababayan ni Boyet sa Batangas kahit wala na ito sa pulitika. -- FRJ, GMA News