Sarah Lahbati, nagsampa ng criminal case laban sa GMA executives
Nagsampa ng kasong grave coercion ang aktres na si Sarah Lahbati laban kay GMA Films President Atty. Annette Gozon-Abrogar sa Quezon City Regional Trial Court nitong Hulyo 15 ng umaga sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Ramoncio Ocampo ng Office of the City Prosecutor.
Sinampahan din ni Lahbati ang ICONS talent management executives na sina Albert “Bebong” Muñoz, Shiela Buendia, at Andre Dee, dating head of Talent Development and Management Department ng GMA-7 na si Arsenio “Arsi” Baltazar III, at ang dating handler ni Sarah na si Michael Uycoco, ayon sa ulat ni Nerissa Almo ng Philippine Entertainment Portal.
Sa pahayag naman ni Atty. Gozon-Abrogar na ipinadala sa GMA News Online: "I haven't received anything from her lawyers but if it's true, then I welcome it since she's now fighting in the proper venue. Now the public will know what the truth is."
Ayon kay Atty. Marie Glen Abraham, ang legal counsel ni Sarah, bago pa man lumipad ang aktres patungong Switzerland ay kinunsulta na nito ang ilang abugado ukol sa tamang hakbang na dapat niyang gawin kaugnay ng isyu.
“Kaya lang, when she left, there’s already a warrant of arrest against her, so hindi na niya nagawa ang mga dapat niyang gawin before. That’s why when she returned, ngayon lang nagawa yung pagsasampa ng kaso,” pahayag ni Abraham.
Gayundin, nagbigay ng pahayag si Lahbati ukol sa mga kasong kinasasangkutan.
“I was really stressed out. I just needed a breather," ani Lahbati.
“‘Yon nga po, nagsalita ako before, ang nangyari, sinampahan ako ng kaso. Dahil lang hindi ako pumirma sa ICONS, ang daming nangyaring 'di kanais-nais. I think it’s unfair. This is the right thing to do—to defend myself and clear my name,” patuloy nito.
Nakatakda ring magsampa ng ng kasong perjury si Sarah laban pa rin kay Atty. Gozon-Abrogar sa Makati City Regional Trial Court, ayon sa naturang ulat ng PEP.ph.
Labag sa kontrata
Noong Enero 10, matatandaang sinampahan ng kasong libelo ni Atty. Gozon- Abrogar si Lahbati dahil sa mga pahayag ng aktres sa Twitter, isang microblogging site.
Basahin: GMA Network files case against actress Sarah Lahbati
Lumabas naman ang warrant of arrest laban kay Lahbati noong Mayo 20, ngunit nakalipad na ito patungong Switzerland noong Enero 13.
Basahin: Arrest warrant, inilabas ng korte laban sa aktres na si Sarah Lahbati
Noong Hulyo 11, bumalik sa bansa si Lahbati upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.
Basahin: Aktres Sarah Lahbati nagbalik-Pilipinas, haharapin ang kasong libelo
Hulyo 12 nang mag-post ito ng bail para sa kasong libelo na ipinataw sa kanya.
Basahin: Actress Sarah Lahbati posts P10k bail for libel case
Ayon sa GMA Artist Center, labag sa kontrata ni Sarah ang biglaang pag-alis nito sa bansa. Ang kontrata nito sa GMA Network ay epektibo pa hanggang January 2015. - May ulat mula sa Pep.ph/MM/YA, GMA News