ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Raymart Santiago sa gusot nila ni Claudine Barretto: 'Sa dulo nito, pareho kaming talo dito'
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

“I’m moving on. I’m taking it one day at a time.”
Ito ang nakangiting sagot ni Raymart Santiago nang kumustahin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa press conference ng bago niyang teleserye, ang Villa Quintana, na ginanap nitong Biyernes ng gabi, October 25.
Marami ang nakapansin na mas maaliwas ngayon ang hitsura ng aktor, na paminsan-minsa’y humihirit pa ng biro sa media.
Katulad na lamang nang sabihan siya na mas maganda na ang pangangatawan niya ngayon kumpara noong sunud-sunod ang palitan nila ng salita ng kanyang asawang si Claudine Barretto.
“Wala na kasi akong inaalagaan kaya inaalagaan ko na lang ang sarili ko!” natatawang sabi ni Raymart.
Sa ngayon, sabi ni Raymart, halos lahat ng oras niya ay para sa sarili na lang niya.
Paano ang karaniwang araw niya?
“Pumupunta lang ako sa gym, hindi naman ako gaanong lumalabas.
“Pagkatapos minsan, uuwi na, magbabantay lang sa restaurant. Hindi ako mahilig lumabas.”
LEGAL BATTLE. Matatandaang umalis na si Raymart sa tirahan nila ni Claudine sa Loyola Grand Villas dahil hindi na sila magkasundo.
Ang kanilang dalawang anak ay nasa pangangalaga ngayon ng aktres.
Kinatigan ng korte ang petition for Temporary Protection Order (TPO) na inihain ni Claudine.
Bilang sagot dito ay nagsampa naman ng habeas corpus si Raymart upang makuha ang kustodiya ng kanilang mga anak.
Sa ngayon, ayaw nang magsalita ni Raymart tungkol sa mga kasong isinampa nila ni Claudine laban sa isa't isa.
Gayunman, hindi itinanggi ng aktor na nalulungkot siya sa mga pangyayari.
Pag-amin ni Raymart, “Sa dulo nito, pareho kaming talo dito.
“Pero ganun din, e, iniisip ko na lang kung kami pa rin, hindi na rin maganda para sa mga bata.”
Dahil dito, umaasa na lamang si Raymart na magkaroon siya ng pagkakataong makita ang mga anak nila ni Claudine.
WORK AS USUAL. Sa kabila ng mga personal na problema, nagagawa naman ni Raymart na hindi ito maipakita sa mga kasamahan sa trabaho.
Para kay Raymart, ito ang dahilan kaya hindi siya masyadong hirap gawin ang trabaho bilang aktor.
“Hindi ko dinadala ang problema sa trabaho,” sabi ni Raymart sa PEP.
“Kaya rin siguro ako binibigyan ng projects, kasi sa mga pinagdadaanan ko, at sa mga matagal ko nang pinagdadaanan, hindi nila napapansin.
“Nagugulat na lang sila.
“Kahit noon, ayaw kong ipinagkakalat kapag may problema ako.
“Nangyayari naman ‘yon, hindi ko naman kailangang ikuwento, di ba?
“Parang ‘yon lang, nakasanayan ko na rin sa tagal ko na sa trabahong ito.”
Sa huli, nagpasalamat si Raymart sa mga taong nagbibigay ng suporta sa kanya sa gitna ng malaking unos na ito sa kanyang buhay.
“Nagpapasalamat ako sa mga taong ‘yon.
“Sila ang nagbibigay ng lakas sa akin para ituloy ang laban.
“Nagpapasalamat ako sa kanila at sila ‘yong kumakampi sa akin,” pahayag ni Raymart. -- Nerissa Almo, PEP
Tags: raymartsantiago, claudinebarretto
More Videos
Most Popular