Wally Bayola, may iba pang pinagdadaanan, ayon kay Joey de Leon
Naniniwala si Joey de Leon na babalik din ang dating sigla at pagiging kwela ni Wally Bayola ngayong nakabalik na ang komedyante sa "Eat Bulaga!" matapos ang pinagdaanang sex video scandal.
Sa ulat ni Glenn Regondola na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Martes, sinabing marami ang nakakapansin na tila hindi pa rin gaanong kaaktibo at parang matamlay pa rin si Wally kapag pinapanood sa segment na "Juan For All, All for Juan" ng Eat Bulaga!.
Pahayag umano ni Joey, "Wala yun. Babalik yun sa dati." (Basahin: Wally Bayola: 'Sorry po sa mga nagawa kong kasalanan')
Dagdag pa niya, "Alam niyo yung tao, may iba pang pinagdadaanan rin."
Hindi man binanggit ni Joey kung ano pa ang ibang pinagdadaanan ni Wally, minsan na rin napaulat na may matinding pagsubok na hinaharap ang komedyante tungkol sa anak nitong dalaga nay suliranin sa paningin.
Sa ulat ng Startalk TX noong nakaraang taon, natuklasan na mayroong orbital tumor o abnormal na paglaki ng tissue sa paligid ng mata ang 17-anyos na anak ni Wally. Nangyari ito ba pa man lumabas ang sex video scandal ng komedyante. (Basahin: 'Eat Bulaga' host na si Wally Bayola, may pinagdadaanang pagsubok sa pamilya)
Sa kabila ng lahat, itinuturing ni Joey na comical pa rin si Wally.
Ipinaliwanag din niya na ang management ng "Eat Bulaga!' ang nagdesisyon na pabalikin si Wally sa programa. (Basahin: Wally Bayola, emosyunal sa pagbabalik sa 'Eat Bulaga!')
"Tumahimik kami diyan," ani Joey. "Sila [management] ang may ano niyan."
Naniniwala rin ang 67-anyos na TV host-actor na walang naging epekto sa Eat Bulaga ang pagkakasangkot ni Wally sa kontrobersiyal na sex video.
"Yung iba nga, nagiging artista pa yung mga kasangkot sa...Wala, sa palagay ko, wala," ayon kay Joey. -- FRJ, GMA News