Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alden Richards: 'Inangat ng Carmela, inangat ni Marian, ang career ko sa showbiz'




Nagpasalamat si Alden Richards nang biruin siya ng ilang miyembro ng entertainment press na isa siya sa mga paboritong talent ngayon ng GMA Network.

“Naku, hindi ko po alam [na paborito ako]. Thank you po kung ganun,” nahihiyang sabi ni Alden nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa pocket press conference para sa cast ng Carmela, noong Huwebes, May 1.

Sunud-sunod kasi ang teleserye ng Kapuso young actor.

Matapos ang pagkakasama niya sa teleseryeng My Beloved (2012) nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, nagkaroon ng lead role si Alden, katambal si Louise delos Reyes, sa primetime series na One True Love (2012).

Sinundan ito ng supporting role sa Indio (2013) at lead role sa Mundo Mo’y Akin (2013).
Para kay Alden, bunga ito ng kanyang pagpupursigi sa trabaho.

Saad niya, “Kasi pinaghihirapan ko naman po talaga lahat, e.

“Talagang buong buhay ko naka-dedicate sa trabaho ko, kaya hindi ko po hinahayaang [masira].

“Halimbawa, sa projects, talagang kailangang galingan ko every time, kasi ang kalaban ko talaga is yung sarili ko.”
 
BIG THANKS TO CARMELA AND MARIAN. Samantala, lubos ang pasasalamat ni Alden sa pagiging bahagi niya ng primetime soap na Carmela at sa lead actress nitong si Marian Rivera.

Ayon sa aktor, nakatulong ito para mas madagdagan pa ang kumpiyansa niya sa sarili.

Paliwanag niya, “Siyempre, ikaw ba naman po ang ma-partner kay Marian, parang sobrang big deal na po.

“Parang masasabi ko po talaga na inangat ng Carmela, inangat ni Marian, ang career ko sa showbiz.

“I have to give it to her po and to the show.

“Kung hindi po dahil sa Carmela, hindi ko mararating ito.

“'Tulad po ngayon, napapadalas ang pag-cover ko sa mga magazines.

“Since nag-start po yung Carmela, medyo dumami po ang offer na ganun.”

Gayunman, hindi pa raw naiisip ni Alden na naging mas sikat na celebrity na siya.

“Hindi po. Kasi, I owe it naman talaga to Carmela and to Yan, e.

“Hindi po sa akin manggagaling ‘yon,” nakangiting sabi ni Alden. -- Nerisa Almo, PEP