ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Chynna Ortaleza narrates spooky incident on the set of Dementia


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.


Masaya si Chynna Ortaleza matapos niyang mapanood ang Dementia at nagampanan niya ang tinatawag niyang “dream role.” Ginanap ang premiere noong Linggo ng gabi, September 21, sa Trinoma, Quezon City.

Marami ang bumabati at pumupuri sa ipinakita nitong performance bilang supporting cast member ng pelikula at kung paano niya nagampanan ang karakter ni Olivia Fabre sa pelikula.  Si Chynna ang “multo” sa pelikula at malaking-malaki ang kaugnayan ng karakter niya sa karakter ni Nora Aunor bilang si Mara Fabre.

Kumusta nga ba siya pagkatapos niyang mapanood ang kabuuan ng pelikula at ang ibinigay niyang performance?

“Siyempre, palagi namang may room for improvement every time na may performance. Pero, masaya naman ako at nakapag-portray ako ng dream role ko. Masaya naman ako. Siyempre, ano, aside sa ghost siya, meron pa siyang darkness.

“Yung sakit niya talaga, talagang may problema siya sa authority. Kaya nga noong na-device ni Mara yung laro namin, doon niya napasunod. Doon lang siya nagkaroon ng sense of normalcy. Kaya noong mawawala na si Mara sa buhay niya, hindi niya kaya.”

Nagugulat din ba siya kay Olivia Fabre tuwing lalabas sa screen?

“Nagulat ako kasi, hindi ko naman alam na ganyan ang magiging end result niya. Noong ginagawa namin ang film, hindi naman nai-imagine na ganoon siya magso-solidify with the music, editing and the effects. Proud ako sa pelikula namin, sobra.

“Graded A pa, so sana mapanood nila. Kasi, alam ko namang maraming Filipino ang gustong magkaroon ng good film but how can we make good film if we don’t support this kind of films?  Yun lang naman ang hinihingi namin sa kanila.

“Itong effort nila Direk Perci [Intalan], independent talaga ‘yan. Sila talaga ang nagpursige diyan.” 
Marami na rin namang kinu-konsider si Chynna na mga challenging roles na nagawa na niya. Pero sa pelikula, masasabi raw niyang isa sa pinaka-mahirap na niya itong ginawa.

“It’s definitely hard because if the presence of Ms. Nora [Aunor] and other cast member na hindi mo naman talaga puwedeng sabihin na balewala lang sila.”

SPOOKY INCIDENT IN BATANES. Naging malapit daw sila halos lahat lalo na nang mag-shooting nga sila ng Dementia sa Batanes. 

Inamin naman ni Chynna na noong nasa Batanes sila at nagsu-shooting, totoong may mga “nagparamdam” daw sa kanya.

Sabi niya, “Meron… meron. Kaya nga nagdasal ako ng nagdasal every time na pinapasok ko ang character kasi, nakakatakot, e.   Well, sa bahay, sila ang natatakot sa akin. Palagi akong pina-pack-up ng maaga ni Direk Perci.

“Sabi niya, umuwi ka na.  Actually, pareho kami ni Direk Perci na may experience sa Sabtang, pati yung isang wardrobe [staff] namin.  Outside our scenes, during our rest period.”
Ano ang naranasan niya?

“Merong nagsasalita sa tabi ko ng mga 3 a.m.  Tapos sinasabi na pumunta raw ako sa dagat.  Akala ko, nag-iimagine ako. Nakita kasi ako ng handler ko na nagising daw ako ng 3 a.m. Tinatawag daw niya ako ng ‘Chynna, Chynna’ tapos ako raw, yung position ko, nakaupo lang ako at hindi ko siya pinapansin.

“Whereas ako naman, noong time na yun, naririnig ko lang, pumunta raw ako sa dagat tapos, complete darkness na siya.”

Anong ginawa niya, hindi ba siya natakot?

“Nagdasal… natakot naman ako, pero sabi ko, my God is bigger than anything. So, nagdasal na lang talaga ko. Tapos, sabi ko nga, my faith is strong naman. Hindi ako matatakot diyan.  At saka sabi ko nga, ever since you are fascinated in this thing, tapos hindi mo kaya?”
 
Ang isa sa co-star nila, si Jasmine Curtis Smith ay aminadong na-intimidate kay Nora.

Siya ba, nagkaroon din ng ganoong pakiramdam?

“Oo naman, siyempre at the beginning, hindi ko alam kung paano siya ia-approach. Lalo na yung mga eksena namin.  Ayoko namang mag-feeling close. Pero kasi, siya yung unang nagri-reach-out. So, ikaw na yung, ah, okey naman pala.  Puwede kaming magbiruan, puwede kaming magkuwentuhan.

“Tapos, after a while, siya pa yung—alam niyo yung eksena sa sementaryo, yung may cross, piniktyuran pa nga ako nila Kuya Boy [Palma] noon kasi, naiyak talaga ako after ng scene. Sabi niya kasi, Anak, mahusay ka ron. Umiyak ako. Kasi, coming from her, sobrang laking compliment sa akin.

“Parang salamat po, naiyak na ko nang naiyak.

“After nun, naging maganda ang relationship namin.”

Ngayong sama-sama silang nanood ng premiere night, ano ang sinabi sa kanya ni Nora?

“Sabi niya nga, naka-tatlo ka ha.  Kasi, magkatabi kami tapos, nagugulat siya ng nagugulat. Tawa kami ng tawa kasi, kahit ako. Sabi ko, ‘Nay, ano ka ba naman, parang hindi mo ginawa ang eksena. Tapos, tawa siya ng tawa, sabi niya, oo nga, ginawa ko yung eksena.  Siguro, medyo matagal na rin kasi.” 

Naging malapit nga siya kay Nora dahil kahit noong tumanggap ito ng award sa Gawad Plaridel, siya ang nahingan ng manager nito na gumawa ng testimonial para sa Superstar.

Marami raw siyang natutunan dito.

“Basta marami siyang naibilin sa akin sa three months na magkasama kami. Sinasabi niya na be truthful always, keep it simple. Galing sapuso, laging ganoon siya pagdating sa kahit ano raw na gagawin ko. Yun, nakaka-inspire.

“Kasi, makikita mo naman how old is she, pero when she’s at work, she’s at work.  At saka, nakita niyo naman na sobrang intense niya. Yung eksenang pinalakpakan siya, nandoon ako.”

Ano ang natutunan  niya rito?

“Na simple lang naman talaga ang mga bagay. Una sa lahat, kailangan mong malaman kung saan ang pinanggagalingan mo at saan ka patungo at hindi mo kailangang mag-prepara, mag-prepara at hindi laging maging technical.

“Ang importante ay to be as honest as you can and as organic as you can. Kasi, alam mo yun, hindi naman siya nag-prepare ron, wala nga siyang lines dun. Kinukuwentuhan lang siya. Galing, ‘di ba, hanep!” 

Kung mabibigyan daw siya ng pagkakataon sa industriya, kahit daw kasing-edad na siya ni Nora, papangarapin daw niyang mabigyan pa rin ng mga karakter na katulad nito.

“Sabi ko nga, kung mabi-bless ako ng ganun, bakit hindi. Sabi ko nga, kung puwede akong umarte hanggang pagtanda ko, bakit hindi. Aside sa kung mabibigyan ako ng pagkakataon na makapag-contribute gaya ni Direk Perci, bakit hindi," anang Kapuso actress. -- Rose Garcia, PEP

For the full story, visit PEP.