ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Walang settlement: Demandahan nina Derek Ramsay at Mary Christine Jolly, tuloy
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pormal nang inihain ni Mary Christine Jolly ang kanyang sworn reply-affidavit sa Makati Prosecutor’s Office nitong Huwebes, September 25.
Kaugnay pa rin ito ng reklamong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Their Children Act na inihain ni Mary laban kay Derek noong June 27.
Ito ay sa kabila ng kanilang positibong closed-door meeting, kasama si Assistant City Prosecutor Erwin Dimayacyac, noong September 18.
Basahin: Paghaharap nina Derek Ramsay at kaniyang mag-ina, naging emosyunal
Patuloy pa rin kasi umanong nakakatanggap ng mga “nakakainsultong paratang” si Mary mula sa kampo ni Derek, kaugnay ng napagkasunduang sustentong handang ibigay ng aktor para sa kanilang 11-taong-gulang na anak.
Pahayag ng legal counsel ni Mary na si Atty. Argee Gueverra ukol dito, “Para bang pinapalabas, na ang hindi niya [Derek] maintindihang obligasyon niya sa ilalim ng ating batas, ang interpretasyon niya ay pangingikil.
“I think it’s one perfect example in evidence of the economic abuse na gusto ba niyang parang ipinangangalandakan daw niyang settlement.
“E, para bang papasukuin kami dahil sasampalin niya kami ng kanyang pera.
“At gusto kaming kontrolin na para bang kami ay mamalimos ng isang bagay na sa ilalim ng ating batas, siya naman ay minamanduhan na tupdin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Atty. Guevarra bago nagsimula ang preliminary investigation sa opisina ni Fiscal Dimayacyac kanina.
Ayon pa sa abogado, nainsulto si Mary sa pagkuwestiyon ni Derek tungkol sa ibinigay na sulat ng kanilang anak kay Fiscal Dimayacyac noong September 18.
Wala umanong katotohanan ang espekulasyong hindi ang bata ang tunay na may akda ng naturang liham at posibleng tinuruan lamang ito ng kampo ni Mary.
THE CHILD’S LETTER. Bilang patunay, humingi ng permiso ang abogado na isama ang sulat ng bata kay Fiscal Dimayacyac sa official records ng complaint ni Mary laban kay Derek.
Base sa nakuhang kopya ng PEP, nakapaloob sa sulat ng bata ang mga hinanakit nito sa diumano’y pag-abandona ng aktor sa kanya at pati na rin kay Mary.
Nagkaroon ng pagkakataon ang fiscal na kausapin ang anak ng estranged couple tungkol dito, dahil muling isinama ni Mary ang bata sa Makati Prosecutor’s Office kanina.
Dito ay inihayag ng 11-taong-gulang na bata na mag-isa niyang ginawa ang naturang sulat sa loob ng kanyang kuwarto “to express my feelings with him.”
Sabi pa ng bata patungkol kay Derek: “I don’t really like him.”
Bigla namang napapikit at mangiyak-ngiyak si Derek, na nakaupo sa bandang kaliwa ni Fiscal Dimayacyac, nang marinig ang pahayag ng bata.
Pumayag si Fiscal Dimayacyac na isama ang sulat sa official records ng reklamo ni Mary laban kay Derek.
Ngunit hindi umano puwedeng panumpaan ng bata ang dokumento dahil sa murang edad nito.
DEREK’S REJOINDER. Maya-maya pa, pormal nang inihain ng kampo ni Derek ang kanyang rejoinder laban sa mga alegasyong nakapaloob sa reply-affidavit ni Mary.
Bagamat nang araw na iyon (Huwebes) lang opisyal na naisumite ni Mary ang kanyang reply-affidavit, iginiit ng abogado ni Derek na si Atty. Joji Alonso na noon pang nakaraang linggo kumalat ang nilalaman ng reply-affidavit ng complainant sa “Internet.”
Sabi pa ni Atty. Joji, “We’ll submit our rejoinder today (Thursday).
“We also have three more witnesses who will take their oath today because the rest of the witnesses already took their oath yesterday.”
Inalmahan naman ng kampo ni Mary ang paghain ng sinumpaang salaysay ng mga panibagong testigo ni Derek.
“It is also our right to answer to what are these allegations of their new witnesses,” giit ng isa pang abogado ni Mary na si Atty. Luke Espiritu.
Buwelta naman ni Atty. Joji, ang mga salaysay ng mga testigo ni Derek ay naglalayon lamang sagutin ang mga alegasyong nakapaloob sa reply-affidavit ni Mary laban sa aktor.
Sa huli, nagdesisyon ang fiscal na payagang magsumite ang magkabilang-kampo ng kani-kanilang memorandum sa October 13.
Pagkatapos ng preliminary investigation, ipinaliwanag ni Atty. Joji kung bakit hindi na itinuloy ng kampo ni Derek ang pakikipagkasundo kay Mary.
May kinalaman umano ito sa “trust fund” na dapat sana’y ilalaan ni Derek para sa anak, base sa closed-door meeting nila ni Mary noong September 18.
“We were supposed to be preparing a proposal for a potential agreement.
“But even prior to the preparation of the proposal, certain statements were relayed to us regarding the interpretation of the trust fund, which is why we resolved not to pursue it anymore,” saad ni Atty. Joji.
Inihayag din ng abogado na kabilang ang ina ni Derek na si Mrs. Remedios Ramsay at ang ex-girlfriend ng aktor na si Colette Centano Fox sa mga testigong naghain ng kanilang sinumpaang salaysay sa araw na iyon ng Huwebes.
“It is coincidental that she [Colette] flew all the way from London to lend Derek moral support.
“And in the process, we were stupefied when we learned that her name was mentioned in the reply-affidavit.
“So, it was very fortunate that she was around to negate the allegations,” saad ni Atty. Joji.
Bukod kay Colette, may tatlo umanong kaibigan si Mary na boluntaryong pumayag na tumestigo para sa aktor.
Ano naman ang masasabi niya tungkol sa sulat ng bata kay Fiscal Dimayacyac na inihaing opisyal na dokumento ng kampo ni Mary?
Sagot ng abogado ni Derek, “Of course, we don’t believe that.
“You read the letter yourself and tell me if an 11-year-old kid can write something as angry and as spiteful at that letter.” -- Rachelle Siazon, PEP
Tags: derekramsay, marychristinejolly
More Videos
Most Popular