Vic Sotto, bilib sa pasya nina Dingdong at Marian na 'di tumanggap ng regalo sa kasal
Kasama si Bossing Vic Sotto sa listahan ng mga ninong at ninang sa papalapit na Kapuso Royal Wedding nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa December 30.
Nagkataon namang leading lady ni Vic si Marian sa “Taktak” episode ng pelikulang My Big Bossing, habang si Dingdong ang bida sa Kubot: The Aswang Chronicles 2.
Ang dalawang pelikula ay parehong official entries sa 2014 Metro Manila Film Festival at maglalabanan sa takilya simula sa Disyembre 25.
Ngunit paglilinaw ni Vic, “Ayokong gamitin yung kalaban… kasabay. “Hindi naman maganda yung naglalaban-laban kayo, magkakaibigan kayo. Walang kalaban, isa lang tayo dito, isa lang ang industriya natin, isa lang yung Metro Manila Film Festival.”
“Let’s all work for the success, mas mahigitan pa sana yung gross ng festival last year, which is medyo may kalakihan, pero alam kong kayang i-achieve.”
WEDDING GIFT. May regalo na ba siya para sa kasal nina Marian at Dingdong?
“For the foundation,” tugon niya.
Inihayag nga ng couple na lahat ng regalong makukuha nila mula sa kanilang mga ninong at ninang ay mapupunta sa Yes Pinoy Foundation.
Ano ang reaksiyon ni Vic dito?
“That’s good. That’s very nice of them kasi hindi nila iniisip yung sarili nila, ang iniisip nila ay yung ibang tao, na makatulong sa ibang tao. Mga sikat kayong mga tao, magagamit niyo sa mabuting bagay yung kasikatan ninyo.” -- Glen P. Sibonga, PEP